Di pinalitan sa duty, sekyu todas

Di pinalitan sa duty, sekyu todas

June 16, 2018 @ 6:53 PM 4 years ago


Paco, Manila – Patay ang isang sekyu nang saksakin ng kapwa sekyu dahil sa away sa duty.

Naisugod pa sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Jetson Cabarles, 20 anyos, subalit binawian din ng buhay.

Arestado naman ang suspek na si Jhonny Killa, 29 anyos, kapwa security guard at kapwa residente ng no. 1003 Interior 32, Mendiola Extension,  Paco, Maynila.

Ngayong umaga, isinampa na ang kaso laban sa suspek sa Manila City Prosecutors Office.

Nangyari ang insidente sa  loob ng 1120 Condominium Residence, na matatagpuan sa Mendiola Extension, sa Paco.

Sinita umano ng biktima ang suspek kung bakit hindi siya nito pinalitan sa 2nd shift duty nito sa WWW Express, sa Quirino Avenue, sa Pandacan hanggang sa mauwi sa  mainitang pagtatalo ang usapan ng dalawa sa loob ng kanilang inuupahang apartment.

Nang makakuha ng matalim na bagay ang biktima ay agad sinaksak sa mukha ang suspek.

Sa puntong iyon, nagawa namang kumuha rin ng panaksak ang suspek at hinabol ang biktima hanggang sa makarating sa isang condominium at dun na nakorner at sinaksak.

Nasaksihan naman ng guwardiya ng condominium ang paghahabulan at ang pananaksak sa biktima na bumulagta sa ikalawang palapag.

Mismong ang guwardiya ng condo ang umaresto sa suspek at itinurn-over sa pulisya habang ang biktima ay nadala naman sa PGH. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)