Diarrhea outbreak naitala sa Davao del Norte, 4 patay

Diarrhea outbreak naitala sa Davao del Norte, 4 patay

October 16, 2022 @ 10:23 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa apat ang nasawi dahil sa diarrhea outbreak na naitala sa bayan ng Talaingod, Davao del Norte na nagsimula pa noong Setyembre 3, 2022.

Maliban sa nasawi, naiulat na mayroong din mahigit 200 katao ang nagkasakit dahil dito.

Sa tala ng Provincial Health Office ng Davao del Norte, kabilang sa mga nasawi ay ang isang 2-taong gulang na bata.

Dagdag pa, ang pinakaunang naitalang kaso ng diarrhea ay noong Setyembre 3 hanggang sa nagtuloy-tuloy na ang mga bagong kaso nito.

Nitong Huwebes lamang, Oktubre 13 ay may 17 kaso ng sakit ang naitala sa naturang bayan.

“Nung nakarating na ang report sa rural health unit, pinuntahan naman agad pero marami na talaga ang affected. In fact may namatay na nga noon. Ang problema, meron na naman sa ibang sitio, pa-isa isa. Ang hirap kasi mapuntahan nung Sitio. Minsan, late pa ‘yung pagreport,” pahayag ni Davao del Norte Provincial Health Officer Dr. Alfredo Lacerona.

Dalawang sitio naman ang pinaka-apektado ng diarrhea outbreak at ito ay ang Sitio Sto. Nino na may 195 kaso samantala 3 naman ang nasawi; at ang Sitio Palma Gil na may 22 kaso samantala isa naman ang naitalang nasawi.

Kumpirmadong dahil sa kontaminadong tubig ang dahilan ng outbreak ngunit agad naman umano itong nalinis.

Dahil sa outbreak, matatandaan na nagdeklara na ng state of emergency ang bayan ng Talaingod noong Setyembre 28 upang magamit ang pondo bilang tulong sa mga residenteng tinamaan ng sakit. RNT/JGC