Diarrhea outbreak sa Quezon, iniimbestigahan ng DOH

Diarrhea outbreak sa Quezon, iniimbestigahan ng DOH

October 8, 2022 @ 1:52 PM 6 months ago


MANILA, Philippines- Iniimbestigahan na ng Department of Health o DOH ang ulat ng diarrhea outbreak sa isang Barangay sa General Nakar, Quezon.

Sa ulat, apat na indibidwal na ang binawian ng buhay dahil sa severe dehydration dulot ng diarrhea.

Mula umano sa tribo ng Dumagat ang mga nasawi na hinihinalang nakontaminang tubig ang sanhi ng kanilang pagkakasakit.

Sinasabing ang dahilan ng outbreak sa lugar ay parasite (amoebiasis at giardiasis) base sa tinest na dumi ng mga pasyente.

Nakapagtala ang Regional Health Unit ng General Nakar ng 33 kaso ng diarrhea.

Nakarekober ang 23 indibidwals,dalawa ang kasalukuyan pa ring naka-confine sa ospital at walo ang nanatiling nagpapagaling sa bahay.

May dalawa pang kaso ng kamatayan, ngunit inaalam pa ng mga awtoridad kung diarrhea din ang sanhi.

Sinabi ng lokal na pamahalaan na kontrolado nito ang sitwasyon. Nagtayo na ito ng mga banyo na may mga palikuran sa lugar, ngunit hindi ito ginamit ng mga residente.

Sa ngayon nagsasagawa na ang Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) ng DOH-Calabarzon ng mission and surveillance kaugnay sa outbreak.

Pinayuhan ng DOH ang mga apektado ng outbreak na agad komunsokta sa doktor kapag nakararanas ng sintomas.

Kung malayo naman sa Ospital at maaring magpakulo ng tubig at saka lagyan ng asin at asukal o gumamit nang oresol bilang first aid.

Mahalaga rin umanong tignan ang pinagkukunan ng inuming tubig at pagkain. Jocelyn Tabangcura-Domenden