DICT maglalagay ng libreng Wi-Fi sa higit 9K lugar

DICT maglalagay ng libreng Wi-Fi sa higit 9K lugar

December 29, 2022 @ 6:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Huwebes na target nitong maglagay ng mahigit 9,000 free Wi-Fi sites sa buong bansa sa susunod na taon upang paigtingin ang digital transformation efforts ng bansa.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DICT Undersecretary Anna Mae Lamentillo na layunin ng ahensya na makapaglagay ng 9,762 karagdagang sites sa mga pampublikong lugar at 162 sites sa state universities at colleges.

Inihayag din ni Lamentillo na kasalukuyang mayroong 4,757 live sites sa 75 lalawigan at sa National Capital Region sa ilalim ng digitalization initiative ng pamahalaan.

“Ang digitalization ay isa sa mga prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos. Ang kaniyang direktiba sa DICT ay siguraduhin ang universal connectivity at palakasin ang e-governance para mas mahusay na maipaabot ang mga serbisyo ng gobyerno sa ating mga mamamayan,” aniya.

Sinabi niya na mapapainam ng paglalagay ng free Wi-Fi sites sa ilalim ng “Broadband ng Masa Program” (BBMP) ng DICT ang digital infrastructure ng bansa.

“Isa sa mga programa ng DICT ay ang ‘Broadband ng Masa’ na naglalayong magbigay ng mas mabilis at mas mahusay na koneksiyon sa broadband sa bansa lalo na para sa mga geographically isolated at disadvantaged areas. Kasama dito ang pagpapahusay at pagbuo ng malawak na imprastraktura ng broadband, paghikayat ng mga investments sa mga unserved, and underserved communities at pagsulong ng mga ICT-related policies,” aniya.

Bahagi rin ng  BBMP, aniya, ang Luzon Bypass Infrastructure Project (LBIP), na inaasahang magiging online sa susunod na taon upang palakasin ang network backbone ng pamahalaan.

Ang LBIP ay 240-kilometer fiber line na magkokonekta sa government-owned cable landing stations (CLS) sa Baler, Aurora, at sa Poro Point, La Union — na may repeater stations sa 50-km intervals.

“Ang Luzon Bypass Infrastructure… ay magpapataas by 50 times sa kasalukuyang capacity ng gobyerno – so mula po 40,000 MBPS, iyan po ay aabot sa two million MBPS by next year. Inaasahan natin na matatapos natin ang Phase 1 ng Luzon Bypass Infrastructure sa first half ng 2023,” pahayag niya.

Sa pamamagitan ng Landing Party Agreement na nilagdaan ng DICT, Bases Conversion and Development Authority (BCDA), at Facebook, papayagan ang huli na gamitin ang LBIP kapalit ng pagbibigay sa pamahalaan ng Pilipinas ng spectrum na katumbas ng hindi bababa sa 2 million Megabits per second (Mbps) sa pamamagitan ng submarine cable. RNT/SA