Manila, Philippines – Binigyan ng hanggang sa darating na Linggo(July15) ng isang mambabatas ang Department of Information and Communications Technology(DICT) upang magpaliwanag kung bakit maraming government websites ang offline nitong mga nakalipas na araw na hindi man lamang ginagawan ng paraan ng ahensya o nagbibigay ng abiso sa publiko.
Ayon kay 1-Ang Edukasyon Partylist Rep Salvador Belaro nakalulungkot na ngayong mayroon nang ahensyang nangangasiwa sa information technology ay bigo pa rin nitong gampanan ang kanyang tungkulin.
Bagamat may mga websites nang naibalik ang operasyon ay nanatili pa rin umanong offline ang Official Gazette at DOST websites kaya naman naapektuhan na ang registration ng participants para sa National Science and Technology Week na gaganapin sa July 17 hanggang 21.
Ani Belaro problema sa server sa kanilang data center sa Makati ang ikinatwiran ng DICT na dahilan ng problema ngunit giit ng mambabatas na hindi ito katanggap tanggap lalo at ilang araw na offline ang mga mahahalagang websites na kung agad lamang pinagtuunan ng pansin ng ahensya ay tiyak na hindi tatagal at agad nila itong mareresolba.
“I will give the DICT the courtesy of until this weekend to explain in public and in detail what happened. If by Monday, the country is still in the dark as to what happened to our government websites, then they will hear from us again”banta ni Belaro.
Nagbanta rin ang kongresista na kung hindi pa rin magagawa ng DICT ang trabaho nito ay maghanda na sila sa isang congressional investigation dahil hindi umano palalampasin ng Kamara ang kapalpakan nito, dagdag pa ni Belaro na kung ayaw ng DICT na magkaroon ng zero budget sa 2019 ay ayusin nito ang kanilang trabaho, (Gail Mendoza)