Digital governance, pagpapagaan sa restriksyon tinalakay sa Cabinet meeting

Digital governance, pagpapagaan sa restriksyon tinalakay sa Cabinet meeting

October 25, 2022 @ 4:23 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.  ngayong araw  ng Martes, Oktubre  25 sa kanyang gabinete upang talakayin ang pag-usad ng mga plano ng administrasyon, kabilang na ang pagpapabuti ng pampublikong serbisyo sa pamamagitan ng digital na pamamaraan.

Sa Facebook post ng Office of the President (OPS) nakasaad dito na pinag-usapan din sa miting ang health protocols ng bansa pagdating sa pagbiyahe at ang panukalang gawing mas maluwag ang travel restrictions sa Pilipinas.

Inanunsyo ni OPS Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na ima-mandato ng gobyerno ang paggamit ng electronic arrival (eArrival) card,  scan-and-go system  sa mga paliparan sa bansa simula sa Nobyembre 1, ng taong kasalukuyan.

Simula rin sa Nobyembre 1, ire-require naman ng  Bureau of Quarantine (BoQ) ang lahat ng  inbound travelers na kumuha ng  eArrival card sa loob ng 72 oras bago ang kanilang  departure o pag-alis mula sa bansang kanilang pinanggalingan.

Ang mga arriving travelers ay maaaring kumuha ng  eArrival card  sa pamamagitan ng pagpunta lamang sa  website  na onehealthpass.com.ph o sa pamamagitan ng pag-scan ng  QR code na palatandaan  sa poster  na ipinalabas ng Department of Health (DOH).

Ang paggamit ng  eArrival Card ay maaaring mas maging convenient sa pagbyahe sa bansa dahil aalisin nito ang hindi na kailangang impormasyon na makikita sa One Health Pass system.

Target naman ng gobyerno ng Pilipinas na gawin pang mas relax  ang “stringent entry protocols” ng bansa para makapanghikayat ng mas maraming turista.

Sa kabilang dako, sa  weekly vlog ng Pangulo na ipinalabas noong Oktubre 22, hinikayat nito ang mga Pilipino na galugarin ang kagandahan  ng  Pilipinas para lalong sumigla ang  pagyabong ng ekonomiya ng bansa.

Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang pangangailangan na i-promote ang lokal na turismo para makalikha ng mas maraming economic activities  sa bansa.

Nangako rin ito na ipagpapatuloy ang pagdalo sa  promotional tourism activities sa mga lalawigan at gawin na mas accessible ang mas marami pang lalawigan para sa mga biyahero.

Giit ng Pangulo, tuloy-tuloy  ang gagawin niyang pagpo-promote sa Pilipinas bilang destinasyon na handang i-welcome ang mga  local at foreign travelers. Kris Jose