Digital infrastructure sa PH, palalakasin

Digital infrastructure sa PH, palalakasin

January 22, 2023 @ 11:28 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Alan Peter Cayetano na seryoso ang Senado sa pagpapalakas ng internet connectivity sa bansa dahil susi ito sa pagpapaunlad ng ekonomiya at pagpapaganda ng buhay ng Filipino.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na tugon ang katiyakan sa panawagan ng Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC) na aksyunan ng Senado ang panukalang Open Access in Data Transmission Act sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na linggo.

“We understand the importance of this bill and assure the Joint Foreign Chambers of the Philippines and the Filipino people that the Senate is taking it seriously,” wika ni Cayetano nitong Biyernes, Enero 20.

“We can no longer afford to be in the dark ages when it comes to the internet and its accessibility to each and every Filipino,” dagdag niya.

Giit ni Cayetano, na siyang Chairman ng Senate Committee on Science and Technology, ipinakita ng COVID-19 pandemic na dapat ay maging accessible ang internet sa bawat Pilipino.

“This is why I have also personally taken it upon myself to push similar measures that will promote the availability of the internet among our kababayans,” aniya.

May-akda si Cayetano ng dalawang panukalang batas na nagmumungkahi sa pagsulong at paggamit ng digital technology sa bansa tulad ng Smart Philippines Act, at Mobile Application Para sa Pilipino Act (Mobile A.P.P.).

Pakay ng Smart Philippines Act (Senate Bill No. 298) na tiyakin na magkaroon ng accessible at abot-kayang internet para sa lahat ng Pilipino.

Sa panukala, itatatag ang isang konseho na tatawaging Smart Philippines, na maglalatag ng five-year strategic action plan upang gawing moderno at maging ‘smart’ ang teknolohiya sa bansa.

Hangad naman ng Mobile A.P.P (Senate Bill No. 67) na bumuo ng isang mobile application na kayang i-access ng lahat ng Pilipino at dapat ay magamit sa pagitan ng mga ahensya, tanggapan, at unit ng gobyerno.

Ani Cayetano, napapanahon na para i-maximize ng gobyerno ang teknolohiya para sa mas mabilis na pamamahagi ng ayuda gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers (TUPAD).

“With the digital age and with the cellphone, dapat (it should be the case that) you could do almost everything when it comes to government transactions sa cellphone mo (using your phone),” aniya.

Mahalaga para kay Cayetano ang mga naturang panukalang batas at nangakong bibigyan ang mga ito ng tamang atensyon sa Senado. Ernie Reyes