Digital transformation bills, target tapusin sa pagbabalik-sesyon ng Kamara

Digital transformation bills, target tapusin sa pagbabalik-sesyon ng Kamara

January 23, 2023 @ 7:42 AM 2 weeks ago


Manila, Philippines – Kabilang sa pangunahing prayoridad ng Kamara sa pagbabalik-sesyon nito ang digital transformation bills.

Binigyang-diin ni House Speaker Martin Romualdez na mamadaliin ng Kamara ang pagratipika sa E-Governance/Government Act upang maisakatuparan ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Davos, Switzerland na dapat nang maipatupad ang digital evolution sa bansa.

“We will expedite the passage of these measures to implement the pronouncements of President Ferdinand Marcos Jr. in Davos, Switzerland on his desire for the country to catch up with other nations in digital evolution,” ani Romualdez.

Layon ng Pangulo, ayon kay Speaker Romualdez na makasabay ang Pilipinas sa ibang mga nasyon pagdating sa digitalization.

Kinumpirma din aniya ng Chief Executive na aaksyunan nito ang mabagal na internet connectivity at cybersecurity issues sa bansa at ang pag-digitalize ng ating burukrasya.

“And it’s unfortunate, because some of the studies we’ve made, the general consumer, if you want to call them that, talks to every facet of their lives through the Internet, except for the government.”

Paglilinaw pa ni Romualdez na kabilang dito ang may 11 importanteng panukala na napagkasunduan ng ehekutibo at lehislatibo noong nagdaang Oktubre sa pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ngunit nauna ng tinalakay ng pangulo sa State of the Nation Address (SONA) noong July.

“These measures are components of the President’s Agenda for Prosperity, which we fully support,” dagdag pa ni Romualdez.

Bukod sa E-Governance/Government Act patuloy na nakabinbin ngunit handa ng talakayin sa sesyon ang mga panukalang batas para sa natural gas industry, pag-amienda sa Electric Power Industry Reform Act, Unified System of Separation, Retirement and Pension Act, National Land Use Act, National Defense Act, National Government Rightsizing Program Bill, Budget Modernization Bill, Department of Water Resources Bill, pagtatatag ng Negros Island Region, Magna Carta for Filipino Seafarers, at pagpapatayo ng regional specialty hospitals.

Sinabi ni Romualdez na nagpapatuloy ang masusi at maaayos na pakikipag-ugnayan ng Kamara sa Senado sa ikabibilis ng pagpapasa ng mga priority bills gaya ng Internet Transactions/E-Commerce Bill.

Gaya aniya ng panukalang E-Governance/Government Act, ang Internet Transactions Bill ay malaking tulong sa digital transformation goal na naunang inilahad ng Pangulo.

Ang E-Commerce Bill ay naglalayong magkaroon ng malinaw na regulasyon ang mga internet transactions at maproteksyunan ang mga mamimili.

Sa ilalim ng panukalang ito ay lilikhain ang Electronic Commerce Bureau sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) upang siyang magpatupad ng batas sa lahat ng internet transactions at domestic merchants gayundin sa mga online business sa Pilipinas.

Nakapaloob sa panukalang ito ang karapatan at obligasyon ng lahat ng sangkot na sektor sa internet transactions na ang nakalahad na parusa sa sinumang may paglabag dito ay multang hanggang P5 milyon. Meliza Maluntag