Digitalisasyon nakatulong sa BOC collection target nitong 2022

Digitalisasyon nakatulong sa BOC collection target nitong 2022

January 11, 2023 @ 3:23 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Malaki ang naiambag na tulong ng digitalization na isinusulong ng administrasyong Marcos para malampasan pa ng Bureau of Customs (BoC) ang target collection nito para sa 2022.

Sa Laging handa Public briefing, inihayag ni Customs spokesperson Arnaldo del Torre na malaking bagay ang patuloy na ipinapatupad na modernisasyon sa ahensiya lalo’t kasabay nito ay nalalabanan din ang katiwalian at korapsyon.

Sinasabing saklaw ng modernisasyon ang pagpapataas o upgrading ng kanilang mga kagamitan gayundin ang pagpapatupad ng proseso sa pamamagitan ng digitalisasyon.

Winika pa ni dela Torre na nakatulong din ang pag-ahon ng ekonomiya mula sa pandemya na aniya’y nagresulta sa mas mataas na volume ng importasyon ng bansa.

Sa kabilang dako, kinilala rin ng BOC ang anila’y collective effort ng 17 mga collection district offices ng kanilang tanggapan dahilan upang malampasan ang target collection ng ahensya sa nagdaang taon.

Samantala, nabatid na Nobyembre pa lamang ay lagpas na sa target ng BOC na makakolekta ng P721.52 bilyon gayong sa nabanggit na buwan ay nasa P745.50 bilyon na ang nakolekta nito o mas mataas na ng 3.27%. Kris Jose