P96M iligal na droga, sinira sa W. Visayas

June 25, 2022 @3:45 PM
Views:
5
BACOLOD CITY- Sinunog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Western Visayas (Region 6) ang P95,549,936.82 halaga ng iligal na droga sa pamamagitan ng thermal destruction sa Acropolis Gardens in Barangay Bata nitong Biyernes.
Sa kasalukuyan ay ito ang pinakamalaking pagsunog sa nasabat na iligal na droga sa rehiyon, ayon kay PDEA-Western Visayas Director Alex Tablate.
Sinabi rin ni Tablate na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P93,788,833.60 at 12,431.0244 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,761,103.2267 ang sinira.
Kabilang sa mga sinunog ang na-rekober ng mga pulis at PDEA sa rehiyon na iligal na droga– P20.4-milyong shabu sa Bacolod Real Estate Development Corp. (Bredco) port noong Enero at P34 milyong shabu sa Escalante City, Negros Occidental nitong Marso at P13.6 milyong shabu sa San Carlos City, Negros Occidental kamakailan.
Ipinaliwanag ni Adonis Abueva, chief ng PDEA-Western Visayas laboratory, na nakasaad ang proseso sa ilalim ng Section 21 ng Republic Act (RA) No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Binanggit ni Abueva ang Section 21 ng RA 9165 na nagsasabing: “After the filing of the criminal case, the court shall, within 72 hours, conduct an ocular inspection of the confiscated, seized and/or surrendered dangerous drugs, plant sources of dangerous drugs, and controlled precursors and essential chemicals, including the instruments/paraphernalia and/or laboratory equipment, and through the PDEA shall within 24 hours thereafter proceed with the destruction or burning of the same, in the presence of the accused or the person/s from whom such items were confiscated and/or seized, or his/her representative or counsel, a representative from the media and the Department of Justice, civil society groups, and any elected public official.”
Base kay Abueva, pinili ang Acropolis Gardens upang isagawa ang proseso dahil kaya nitong sirain ang iligal na droga nang hindi nakasisira sa sa kapaligiran at sa mga tao dahil ang substances ay sumasailalim sa dalawang burning processes.
Aniya, ang end product ng thermal destruction at steam (water) at carbon dioxide na hindi mapanganib sa mga tao kapag nasinghot ito.
Aniya pa, ang mga nasabat na items na isinailalim sa thermal destruction ay kumpirmadong iligal na droga dahil sumailalim umano ito sa Simon’s Test.
Ani Tablate, ang rason sa thermal destruction ay upang alisin ang duda ng publiko sa drug recoveries, at binigyang-diin na kailangan talaga itong sirain.
Iginiit pa niya na ang papel ng publiko sa pag-alis sa iligal na droga da komunidad ay ang pagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad. RNT/SA
Pag-automate sa overseas employment certificate hirit ni Ople

June 25, 2022 @3:30 PM
Views:
11
MANILA, Philippines- Nais i-automate ni incoming Migrant Workers Secretary Susan Ople ang pagkuha ng overseas employment certificate (OEC) dahil sa mga reklamong natatanggap ukol sa pagpila nang matagal ng mga nais kumuha nito.
Rekisitos ang OEC upang makabalik ang isang OFW sa bansang pinagtatrabahuan.
“Di mo naman siguro dapat sobrang ikapila pa o lalo na ngayon [sa] Middle East painit na nang painit, di ba?” ani Ople nitong Sabado.
Maraming nagreklamo sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai nitong Mayo mula sa OFWs na nahirapan sa pagproseso ng kanilang contract verification, OEC, at OWWA membership renewal.
Nang sumapit ang Hunyo ay tinugunan naman ito ng POLO Dubai.
Para kay Ople, hindi dapat masayang ang bakasyon ng isang OFW para lamang sa pag-aasikaso ng OEC.
Pinag-aaralan na aniya nila ang automation at nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
“Nakipag-usap na ako sa DICT kay [incoming] Secretary Ivan Uy at sabi naman niya doable ‘yan na i-automate na lang lahat ng submission para ‘di na kailangang physical pa pipila o pupunta sa kung saan man,” sabi ni Ople.
“Kasi kung nasa records ka na ng POEA dapat … May validation process na lang ‘yan,” patuloy niya. RNT/SA
Janella at Markus, nagpapakontrobersyal!

June 25, 2022 @3:25 PM
Views:
14
Manila, Philippines – Kung titingnang mabuti, mukahang wala namang isyu sa pagitan nina Janella Salvador at Markus Paterson.
Maraming netizens nga ang nagsasabing sinasadya lang ng dalawa na magpakakontrobersyal.
Tulad halimbawa ng paglilimayon ng mag- inang Janella at Baby Jude Trevor kamakailan sa Boracay at sinundan pa sa El Nido, Palawan.
In both instances, hindi nila kasama si Markus.
Pero pag tinanong naman sila, wala raw problema sa kanilang pagitan.
Aware daw si Janella sa tsikang hiwalay na raw sila ni Markus.
But when asked, isa lang ang laging standard answer ni Janella: “We’re okay.”
Privacy raw ang hinihingi niya sa pagkakataong ito.
Walang iniwan ‘yon sa gasgas na ring sagot ni Markus, “We’re good.”
Kontra ito sa Boracay at Palawan bonding ng mag-ina.
Kung wala palang problema kina Janella at Markus, bakit hindi kasama sa lakad ang huli?
Bagama’t isang taong gulang na, hindi ba hinahanap ni Baby Jude ang company ng ama?
Janella is part of the upcoming Darna series, siguro naman ay magpapakatotoo na siya sa kanyang isasagot sa mediacon nito! Ronnie Carrasco III
DOH: COVID-19 booster para sa edad 12-17 aprub na

June 25, 2022 @3:15 PM
Views:
22
MANILA, Philippines- Pinalawig ng health authorities ang administrasyon ng COVID-19 booster shot para sa lahat ng edad 12 hanggang 17, isang linggo matapos ang roll out para lamang sa mga indibidwal na may health risks, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Sabado.
“Nagbigay na rin ng ‘oo’ na puwede nang ipatupad rin itong rest of the population ng 12 to 17,” ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang public briefing.
“Hopefully in the coming weeks makikita natin ang slow na pagtaas ng 12 to 17 booster doses dahil kailangan din po ng ating kabataan ang booster doses na ito.”
Umarangkada ang pagbabakuna ng booster shot para sa 12 hanggang 17-anyos simula nitong Lunes subalit para lamang sa mga immunocompromised.
Sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje nitong linggo na ang administrasyon ng booster shots para sa lahat ng kabilang sa age bracket ay maaaring simulan ngayong weekend.
Ipinalabas ng DOH ang guidelines na pumapayag sa pagtuturok ng Pfizer COVID-19 booster shots para sa age group matapos ang 28 araw pagkatanggap ng second dose. RNT/SA
P8.9M jackpot sa Megalotto natumbok ng taga-Samar

June 25, 2022 @3:00 PM
Views:
23
MANILA, Philippines- Instant milyonaryo ang isang mananaya ng Megalotto 6/45 makaraang matumbok nito ang winning combination sa katatapos na draw kagabi.
Sa kalatas na inilabas ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nabili ang maswerteng ticket sa isang outlet sa Eastern Samar.
Maiuuwi ng maswerteng mananaya ang P8,910,000 makaraang makuha nito ang anim na kombinasyon ng Megalotto 6/45 na 28-10-16-03-25-13
Nasa 88 indibidwal naman ang makakapag-uwi ng tig-P32,000 matapos na makakuha ng lima sa anim na kombinasyon.
Ang Megalotto 6/45 ay binobola sa araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes sa punong tanggapan ng PCSO Shaw Blvd. sa Mandaluyong City sa ganap na alas-9:00 ng gabi.
Hinimok ng ahensya ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga palaro ng kanilang mga produkto upang sa ganun ay madagdagan ang pondo na pantulong sa mga health program, medical assistance at iba pang pangangailangan ng mahihirap na mamamayan na walang pambayad sa ospital at pambili ng gamot.