Digong kay BARMM chief Murad: Nasasakupan hikayating magpabakuna vs COVID

Digong kay BARMM chief Murad: Nasasakupan hikayating magpabakuna vs COVID

April 12, 2022 @ 10:55 AM 3 months ago


MINDANAO, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Ahod “Murad” Ebrahim na kumbinsihin ang mas marami pang Bangsamoro people na magpabakuna laban sa COVID-19.

Nag-aalala kasi ang Pangulo dahil ang BARMM ang may pinakamababang vaccination rate sa hanay ng 17 rehiyon sa bansa na mayroon lamang 27.31% ng target population ng rehiyon kung saan 3 milyon pa lamang fully vaccinated.

“Mga kapatid ko na Muslim, pati yung guys running the BARMM. I’d like also to appeal to chairman Murad na kindly give a little push for the people there to get vaccinated,” ayon sa Pangulo sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi.

Aniya pa, kung patuloy na tatanggi ang mga residente sa BARMM na magpabakuna, hindi malulutas ng bansa ang problema nito laban sa covid 19.

Tiniyak ng Pangulo na ang lahat Covid-19 vaccines ay ligtas at epektibo dahil dumaan ang mga ito sa masusing pag-aaral at clinical trials.

“It’s science. It has been studied, experiments were conducted. Hindi lang dito sa atin, pati sa labas,” aniya pa rin.

Nakatakda namang lumipad si National Task Force (NTF) against Covid-19 implementer, Secretary Carlito Galvez Jr., sa BARMM para personal na makita ang Covid-19 vaccination drive sa rehiyon.

Nauna nang sinabi ni Galvez na kapuwa nagpahayag ang World Health Organization (WHO) at DOH ng pagka-alarma sa posibleng surge ng Covid-19 cases sa BARMM sa gitna ng pagsisimula ng month-long observation ng fasting month na Ramadan.

May ilan kasi ayon kay Galvez ang tumatanggi na magpabakuna dahil sa paniniwalaang ang Covid-19 vaccines ay hindi pinapayagan sa kanilang relihiyon at kultura.

Bilang tugon, sinabi ng Pangulo na ginagalang ng pamahalaan at kinikilala ang paniniwala ng mga kapatid na Muslim subalit kailangan na iprayoridad ng gobyerno ang public health.

“Your reluctance or your lack of interest to be vaccinated… it is not, in my book, a valid reason na ayaw ninyo,” anito.

Dahil ang BARMM ay kasalukuyang pinamumunuan ng appointed, at hindi elected officials matapos ang “enactment of a law postponing the region’s first regular elections from May 2023 to May 2025, ” sinabi ni Pangulong Duterte na “ they are bound by what the government says.”

At upang hikayatin ang mga residente ng BARMM para magpabakuna, tinukoy ni Pangulong Duterte ang Middle Eastern countries na kabilang sa mga unang unang bumili ng Covid-19 vaccines para sa kanilang mga mamamayan.

“The first to order the vaccines way ahead of the others, yung mga Muslims ng Middle East. The United Arab Emirates was one, Dubai, nabili na kaagad nila, may pera sila,” dagdag na pahayag nito.

Dapat aniyang palaging tinatandaan ng taumbayan na ang “Covid-19 is here to stay.”

Idinagdag pa nito na ang virus ay maaaring “become irrelevant if everyone is vaccinated.”

“And we do not have to worry a contamination again because each body is fighting the virus,” aniya pa rin.

Samantala, ang BARMM ay kinabibilangan ng mga lalawigan ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, at Tawi-Tawi, at lungsod ng Marawi at Cotabato. Kris Jose