Digong mistulang nagpaalam sa gabinete; nagpasalamat sa trabaho vs COVID

Digong mistulang nagpaalam sa gabinete; nagpasalamat sa trabaho vs COVID

February 15, 2022 @ 8:50 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Kinilala ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang “teamwork” na ipinakita ng mga frontline officials ng pamahalaan para labanan ang Covid-19 pandemic sa nakalipas na dalawang taon.

Sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi, pinuri ni Pangulong Duterte si Health Secretary Francisco Duque III para sa naging magandang trabaho nito sa kabila ng panawagan na magbitiw ang kalihim sa kanyang puwesto.

“Thank you, sir,” ang tugon naman ni Duque, chairperson ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Bukod kay Duque, pinuri rin ng Pangulo ang “tireless toil” nina Secretary Carlito Galvez Jr. bilang National Task Force (NTF) Against Covid-19 Chief Implementer at vaccine czar ng bansa, Interior Secretary Eduardo Eduardo Año bilang NTF vice chair, at National Defense Secretary Delfin Lorenzana para sa paggabay nito.

Pinasalamatan din ng Pangulo si NTF deputy chief implementer at testing czar Vince Dizon, pinayuhan niya ito na sumali sa isang political party matapos ang administrasyong Duterte.

“Vince Dizon, saan ka man pumunta after this administration, join a political party. ‘Yan ang forte mo, it’s organizing,” ayon sa Chief Executive.

“If there is somebody I would like to thank publicly, it is never too late to say thank you. Salamat sa lahat ,” ayon sa Pangulo sabay sabing “Sila yun nag teamwork to defeat this [Covid-19 pandemic]. So someday magpapasalamat ang Filipinos sa inyo,” dagdag na pahayag nito.

Araw ng Lunes, nakapagtala ang DOH ng 2,730 bagong Covid-19 cases, pinakamababang bilang ng pagtaas ngayong taon.

Ang active cases ng bansa ay bumaba sa 76,609 matapos na makapagtala ang DOH ng 7,456 bagong recoveries.

Sa kanyang naging ulat, sinabi ni Dizon na may mahigit sa 61 milyong Filipino ang fully vaccinated na ngayon laban sa Covid-19, umaasa naman na maaabot ang 90 milyon bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa Hunyo ng taong kasalukuyan.

Iniulat naman ni Duque sa Pangulo na ang Pilipinas ay umabot na sa low-risk case classification na may negatibong two-week growth rate na -74 percent at low-risk average daily attack rate na 5.26 kada 100,000 indibiduwal.

Partikular na tinukoy nito na ang lahat ng rehiyon sa bansa ay nasa ilalim ng low risk maliban sa Region 11 (Davao), Cordillera Administrative Region, Region 6 (Western Visayas), at Region 12 (Soccsksargen), kung saan nasa ilalim ng moderate risk classification.

Ani Duque, ang intensive care unit utilization rate sa buong bansa ay nasa low risk na mayroong 34.12%.

Samantala, ang kabuuang Covid-19 beds at mechanical ventilators utilization ng bansa ay “less than 50-percent usage.”

“We are able to manage our cases and our health system’s capacity is very much prepared for any eventuality na kung magkaroon na naman ng saka-sakaling pagtaaas ,” ayon kay Duque. Kris Jose