Digong oks na sa suspensyon ng e-sabong

Digong oks na sa suspensyon ng e-sabong

February 28, 2022 @ 1:56 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Payag si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na suspendihin ang lisensiya ng online cockfighting o “e-sabong” habang nakabinbin ang resolusyon ng kaso ng 31 nawawalang cockfighting enthusiasts o “sabungeros,”

“Sen. Dela Rosa informed me that PRRD told him yesterday that he agrees!” ayon kay Senate President Vicente Sotto III sa kanyang tweet. Tinukoy nito ang impormasyon mula kay Senador Ronald dela Rosa.

Samantala, sinabi naman ng Malakanyang na makabubuti sa publiko na hintayin na lamang ang magiging anunsyo mismo ni Pangulong Duterte sa nasabing usapin.

“Abangan na lang natin mamaya sa Talk to the People, or even before that kung meron kaming ilalabas na announcement,” ayon kay acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Si Dela Rosa, isang close ally ni Pangulong Duterte, ang nagunguna sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, nag-iimbestiga sa pagkawala ng 31 sabungeros.

Itinulak nina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagpapatigil sa operasyon ng mga e-sabong sa bansa matapos ang insidente ng pagdukot at pagkawala ng tinatayang 31 sabongero sa Metro Manila at ibang bahagi ng Luzon.

Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, hiniling ni Sotto sa panel na gumawa ng resolusyon upang atasan ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na isuspinde ang lisensiya ng mga e-sabong operator habang hindi pa nareresolba ang kaso ng 31 nawawalang indibiduwal.

Ang suhestiyon ni Sotto ay sinegundahan ni Lacson na nagsabi pang dapat munang isuspinde ang lisensiyang ipinagkaloob sa Belvedere Vista Corp., Lucky 8 Star Quest Inc., Visayas Cockers Club Inc., Jade Entertainment and Gaming Technologies, Inc., Newin Cockers Alliance Gaming Corp., Philippine Cockfighting International Inc., at Golden Buzzer, Inc.

Pabor naman ang Pagcor sa suhestiyon ng dalawang senador pero sabi ni acting Vice President of E-Sabong Licensing Department na si Diane Erica Jogno, kailangan pa itong aprobahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“As guided by our top management, we are okay po with the suspending of the operations and we will also seek the approval po from the Office of the President,” sagot ni Jogno.

Sa naturang hearing, sinabi ng presidential bet ng Partido Reporma na si Lacson, sampal sa Philippine National Police (PNP) kung hindi mareresolba ng pulisya ang kaso ng pagkawala ng mga sabongero.

“Thirty-one reported missing persons as of latest count, without any trace apparently, is a big challenge to the PNP and the entire law enforcement community,” ani Lacson. “Failing to resolve these cases will be a big slap or an embarrassment to the PNP as well.”

Kinuwestyon naman ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino ang legal na awtoridad ng Pagcor na mag-isyu ng license to operate sa mga operator ng e-sabong sa bansa.

Ayon kay Tolentino, wala sa kahit anong probisyon ng Republic Act No. 9487 o ang Revised Pagcor Charter na may kapangyarihan ang nabanggit na gambling regulatory agency na mag-isyu ng lisensya sa mga operator ng e-sabong.

“Saan nag-ugat ang karapatan ninyo, ang authority na mag issue ng prangkisa sa e-sabong? Nagke-claim kayo na may delegated authority na wala naman po sa Republic Act No. 9487,” katuwiran ng senador.

Nagpaliwanag naman si Jogno na ibinase lamang ng gambling regulatory agency ng bansa ang kanilang awtoridad sa e-sabong sa dalawang magkahiwalay na legal opinion na pinalabas ng Office of the Solicitor General (SolGen) at ng Department of Justice (DOJ) noong Mayo 2018 at Enero 2021. Nagpapalabas din umano ng hiwalay na memorandum ang Office of the Executive Secretary kaugnay sa online sabong. Kris Jose