Digong, PDP wala pang bibitbiting presidentiable

Digong, PDP wala pang bibitbiting presidentiable

February 26, 2022 @ 9:37 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Walang ieendorso sa pagka-Pangulo si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa one-on-one interview kasama si Communications Secretary Martin Andanar, araw ng Biyernes, tinanong ang Pangulo ukol sa kanyang posisyon sa bagay na ito.

“I have talked to my daughter Inday only once since months ago… We do not talk about politics except for once pero ayaw ko na lang i-discuss kasi hindi maganda. It was between father and daughter,” ayon sa Pangulo.

“It was a discussion about politics pero sa amin na yun… Hanggang ngayon, wala akong masabi sa bagay na yan,” dagdag na pahayag ng Punong Ehekutibo.

Sinabi naman ni Mayor Sara na umaasa sila na susuportahan ng kanyang ama ang kanilang tambalan ni Marcos Jr.

Sinabi pa rin niya na ginagalang nila ang desisyon ng kanyang ama sabay sabing kung tutuusin kasi ay Pangulo ng Pilipinas ang kanyang ama.

Giit ng Pangulo, mananatili siyang “neutral” sa bagay na ito.

“Ibig sabihin wala akong susuportahan na kandidato unless again having said that I said it again there will be a compelling reason for me to go out and tell the people what it is,” paliwanag ng Chief Executive.

Sa mga nakalipas na public briefing ng Pangulo, palagi nitong binabanggit na wala siyang susuportahang sinumang kandidato sa pagka-pangulo sa Eleksyon 2022 maliban na lamang kung makikitaan niya ang kandidato ng tinatawag na “a compelling reason” para gawin ito sa mga susunod na buwan.

Isiniwalat din ng Pangulo na bago pa ang election period ay nagpadala na sa kanya ng kani-kanilang emisaryo ang lahat ng presidential candidates.

“Wala akong kinausap noong ano pa wala pang election period yung national silang lahat nagpadala ng emissary and I respectfully declined to see anybody,” ayon kay Pangulong Duterte.

Gayunaman, todo endorso naman ang Pangulo sa mga senatorial candidates ng PDP-Laban faction sa May 2022 polls.

Suportado nito ang senatorial bid ni presidential legal counsel Salvador Panelo, sabay sabing si Panelo ay “compassionate and an excellent writer.”

“Panelo, I’ll be franked with you and our people, itong si Panelo parang tinatawag nating character the way he yung attire niya mga parang bata teenager. Pero if you can just see across makikita mo si Panelo is compassionate man. He has critical mind and he is magtulong talaga itong si Panelo magsabi na gawin ko yan ginagawa niya for anybody,” paliwanag ng Pangulo.

Samantala, pinuri rin ng Pangulo si Anti-Corruption Commissioner Greco Belgica, sabay sabing si Belgica ay “honest and dedicated” namaglingkod sa bayan.

“Well si Greco is very young. His advocacy is good, he is honest nakikita ko, you can see through sa tao talagang gustong magsilbi sa bayan natin,” anito.

May mahalagang gampanin naman sa Senado ayon kay Pangulong Duterte ang aktor na si Robin Padilla, binigyang diin ng Pangulo na si Padilla ay “a Muslim, he is a respected member of the Muslim community in the Philippines.”

Ang iba pang senatorial bids na nominado ng PDP-Laban faction ay sina Information and Technology Secretary Gregorio Honasan, SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta, Anti-Corruption Commissioner Greco Belgica, broadcaster Rey Langit, Agrarian Reform Secretary John Castriciones.

At sa tanong naman kung ano na ang nangyari sa PDP-Laban faction na hanggang sa ngayon ay walang presidential candidate, diing pahayag ng Pangulo ay “Simply because wala rin kaming makita.”

Matatandaang umatras si Senator Bong Go sa presidential race. Sinabi ni Go na hindi kasi pabor ang kanyang pamilya na tumakbo siya sa pagka-pangulo.

Binawi naman ng Pangulo ang kanyang certificate of candidacy (COC) para senador sa 2022 elections.

Pinagbawalan naman ng Pangulo ang kanyang mga cabinet members na mangampanya maliban lamang kay PDP-Laban president at Energy Secretary Alfonso Cusi.

“Pinagbawalan ko talaga ang Cabinet na magcampaign, pero it’s a privilege given, pero pinagbawalan ko kayo. Except Cusi because he is the party president of a political organization so you cannot deprived him of that right. Pero sa lahat huwag na lang kayo even the Cabinet members para walang masabi,” dagdag na pahayag nito.