Digong sa LGUs: Mga babakunahan ‘wag papilahin, delikado

Digong sa LGUs: Mga babakunahan ‘wag papilahin, delikado

June 1, 2021 @ 7:00 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang local government units (LGUs) na huwag nang papilahin ng ilang oras ang mga vaccine recipients dahil mas delikado ito.

Sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi ay ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa LGUs na gamitin ang “technology and advanced approaches” upang matiyak ang mas epektibong implementasyon ng pagbabakuna.

“Huwag ninyo paglinyahin kasi magkakasakit din ‘yan. Just the same, the very thing you try to avoid will happen… Barangay captain has a list of people in his barangay. It behooves upon you guys to make sure that they are given the numbers and appointed time and not make them queue,” ayon kay Pangulong Duterte.

Samantala, ipinag-utos naman ng Pangulo sa mga kapitan ng barangay na arestuhin ang mga nagmamay-ari ng resorts na pinapayagan ang mass gathering sa kanilang establisimyento.

Pinaalala rin ng Chief Executive sa mga barangay officials ang kanilang mandato na ipatupad ang safety protocols laban sa COVID-19.

“Kaya kayong mga barangay captain, kayo ang mayor sa inyong lugar. Kapag nagpalpak yan, ‘di mo na-control and there are celebrations everywhere… kagaya nung sa swimming pool, you arrest the… the barangay captain should arrest the owner of resort allowing people in numbers to be together in the swimming pool enjoying at the same time violating the law,” ayon kay Pangulong Duterte.

Gayunman, pinaalala pa rin ng Punong Ehekutibo sa mga lokal na opisyal na huwag arestuhin o hulihin ang mga menor de edad na matatagpuan sa swimming pool.

“Ang bata ‘di mo maaresto, you have to just pick them up from the swimming pool and send them home. Ngayon ang mga nanay at mga tatay, ‘yun ang pwede,” giit ng Pangulo.

Matatandaang, noong nakaraang Mother’s Day, ipinasara ang Gubat sa Ciudad resort sa Caloocan City  matapos na dagsain ito ng daan-daang customers na in-accommodate sa kabila ng community quarantine na ipinatutupad ng lokalidad. Kris Jose