Digong sa mayayamang bansa: Developing countries, bayaran sa epekto ng Climate Change

Digong sa mayayamang bansa: Developing countries, bayaran sa epekto ng Climate Change

April 19, 2022 @ 7:02 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Dapat lamang na magbayad ang mayayamang bansa sa mga developing countries gaya ng Pilipinas para sa pinsala na dulot ng climate change.

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk to the People, Lunes ng gabi na labis siyang nalulungkot sa pagkawala ng buhay at pagkasira ng mga ari-arian dahil sa Tropical Storm Agaton.

Ang Pilipinas na binibigwasan ng 20 bagyo kada taon ay kabilang sa itinuturing na “most at risk” mula sa epekto ng climate crisis.

“Yung resulta ng pollution ng ibang countries, tayo ang sumasalo. Pagdating sa damage, tayo rin ang pinakakawawa,” ayon sa Pangulo.

Isinisisi at ibinibigay ni Pangulong Duterte ang responsibilidad para sa climate change impacts sa mga mayayamang bansa.

Sinabi ng Pangulo na “sumusuka” kasi ng mas maraming carbon mula sa kanilang mga pabrika, tahanan at sasakyan ang mga mayayamang bansa kumpara sa mga developing countries.

“Sila yung may pinaka maraming factory and in some industrialized places halos every kanto may factory. Unfortunately sila yung biggest contributor ng carbon emissions dito sa mundong ito,” aniya pa rin.

“Dapat ang mga mayaman na hindi tinatamaan ng destruction caused by itong pollution, bayaran nila tayo for the damage,” giit ng Punong Ehekutibo para sa kabiguan ng mayayamang bansa na gawin ang kanilang commitments sa ilalim ng Climate Change pact.

Aniya pa, ang Climate Change ay mananatiling problema “for the next generations to come” maliban na lamang kung kaagad itong matutugunan.

Gayunman, dahil sa nalalapit niyang pagbaba sa tanggapan kung saan ilang linggo na lamang ay matatapos na ang kanyang termino, umaasa naman ang Pangulo na ang kanyang successor ay gagawa ng “better job” sa pagtugon sa Climate Change.

“I hope the next administration, mas maganda ang ano nila …the preparation or whatever efforts that would contribute to at least remedy the situation. With that, I leave it to the next administration. Alam ko mas makaya pa nila kaysa akin ,” aniya pa rin. Kris Jose