Digong sa pagbawi ng alegasyon vs De Lima: Pera-pera ‘yan

Digong sa pagbawi ng alegasyon vs De Lima: Pera-pera ‘yan

May 7, 2022 @ 9:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Umaasa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na uusad pa rin ang mga natitirang kaso ng detinadong Senadora Leila De Lima kahit pa binawi ng dalawang testigo ang mga testimonya ng mga ito hinggil sa diumano’y kaugnayan ng senadora sa illegal drug syndicates.

Sinabi ni Pangulong Duterte kahit pa walang ebidensiya na si dating National Bureau of Investigation (NBI) official Rafael Ragos, isa sa mga pangunahing testigo sa mga kaso ni de Lima, ay diumano’y sinuhulan upang bawiin ang kanyang testimonya laban kay De Lima.

“Si Ragos, he was a witness. But, overall, we think we can still prosper in the prosecution of De Lima,” ayon kay Pangulong Duterte sa isang taped interview ni Pastor Apollo Quiboloy ng SMNI, araw ng Biyernes.

“Ngayon, kung ikaw si Ragos, offeran ka ng 15 million, saan kunin ni De Lima yung pera? Drug lords. Siya yung napreso dahil– tinutulungan na rin siya ngayon, sigurado. Walang tao na magpunta sa korte tapos mag-recant ka ng ganoon after a few years. Pera-pera ‘yan,” ayon kay Pangulong Duterte.

Binawi ni Ragos, ang kanyang testimonya at sinabi na si De Lima ay “incapable of doing anything illegal”.

Sinabi pa nito na tinakot lamang siya ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II upang gumawa ng false accusations.

Bukod kay Ragos, binawi rin ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosa ang kanyang mga naging pahayag laban sa senadora, sinabi nito na ang kanyang mga alegasyon ay hindi totoo.

Samantala, kinuwestiyon naman ni Pangulong Duterte ang “timing” nang ginawang pagbawi ng mga testigo sa kanilang testimonya laban sa senadora. Halatang-halata aniya na election season kaya’t may nangyaring pagbawi ng testimonya.

Anito, sakali’t manalo si Vice President Leni Robredo bilang Pangulo ng bansa sa nalalapit na eleksyon ay awtomatikong pagkakalooban niya ng pardon sina De Lima at Espinosa.

“Yun talaga sa trabaho nila, itong pera and some commitment word. Tignan mo kung nanalo ‘yan diyan, pardon ‘yan, si Espinosa,” ayon kay Pangulong Duterte.

“Kaya kung mananalo ‘yan si Leni Robredo, pardon ‘yan si De Lima pati yung ano. ‘Yan mamili kayo.” dagdag na pahayag ng Punong Ehekutibo. Kris Jose