Digong sa publiko: COVID alive and kicking pa; mag-face mask

Digong sa publiko: COVID alive and kicking pa; mag-face mask

March 17, 2022 @ 9:15 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mamamayang Pilipino na patuloy na magsuot ng face mask dahil nananatili pa ring banta sa public health ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa kabila ng patuloy na pagbaba ng coronavirus infections, sinabi ni Pangulong Duterte na ang COVID-19 ay nananatiling “alive and kicking.”

Ang tamang pagsusuot aniya ng face mask ay nananatiling importante para protektahan ang publiko laban sa nakamamatay na sakit.

“Itong COVID is still here. And one of the best defenses that we, humans, really have adopted to is the wearing of the mask,” ayon sa Pangulo sa kanyang Talk to the People, araw ng Miyerkules.

Ang face mask aniya ang magsisilbing “armas” ng publiko laban sa “uncontrolled” spread ng nakamamatay na virus.

“Maski na mag-abot tayo ng zero, it is good to just wear the mask kasi ‘yun lang ang makakatigil ng talagang widespread uncontrolled contamination,” ayon sa Chief Executive.

Sa kabilang dako, para sa Punong Ehekutibo, ang mahalagang pagbaba ng kaso ng Covid-19 ay dahil sa mataas na vaccination turnout sa bansa.

May kabuuang 64,660,228 Filipino ang fully vaccinated na sa ngayon ang iniulat ni National Task Force Against Covid-19 chief implementer and vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. sa Pangulo.

Ani Galvez, may 8,766,899 mula sa 64,660,228 fully vaccinated Filipino ang kabilang sa hanay ng 12-17 age group.

Mula Marso 7 hanggang 13, nakapagtala ang Pilipinas ng 4,131 bagong Covid-19 cases.

Kamakailan ay muling inilagay ang Kalakhang Maynila at 47 iba pang lugar sa bansa sa ilalim ng Alert Level 1 mula Marso 16 hanggang 31.

Binigyang diin ni Pangulong Duterte ang pangangailangan na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng minimum public health standards kahit pa isinailalim sa “most lenient Alert Level 1” ang ilang bahagi ng bansa.

“I suppose that until we’re in zero, we just maintain the [Alert] Level 1. And wear the mask. Importante talaga iyan . You just maintain. Make it a habit. Make it a habit to wear mask para mas maganda. Iyan ang tandaan ninyo,” aniya pa rin.

Sa ilalim ng Alert Level 1, pinapayagan ang galaw ng mga tao maging anuman ang edad at comorbidities subalit mayroong restriksyon sa tinatawag na “crowded and closed spaces and close contact (3Cs) settings.

Ang mga pribadong establisimyento at ahensiya ng pamahalaan ay maaaring mag-operate ng full on-site capacity, “subject to minimum public health standards.” Kris Jose