Digong sa publiko: Makabayan ‘wag iboto

Digong sa publiko: Makabayan ‘wag iboto

March 30, 2022 @ 9:00 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Nanawagan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa publiko na huwag iboto ang Makabayan party-list groups na ayon sa kanya ay  “legal fronts” ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Sa kanyang Talk to the People, Martes ng gabi, kinilala ng Pangulo ang mga party-list groups bilang Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, ACT Teachers at Gabriela.

“Makita naman ninyo sa behavior nila and the way they espouse their advocacy for a party, left ang talagang drift nila,” ayon sa Pangulo.

“Ang problema they are supporting or they are really parang legal fronts ng Communist Party of the Philippines. … Dalawang ulo nito, miyembro ng Congress, sundalo, at hindi lang part-time. ‘Yan ang totoo,” dagdag na pahayag nito.

“Huwag ninyong iboto ‘yan, kung iboto niyo ‘yang partylist ang bala, magkano ang isang bala ngayon? .. Isang putok is P30, huminto na kayo dyan kung ibigay natin sa barangay lahat nagsasayang kayo ng buhay, nagsasayang kayo ng pera,” aniya pa rin.

Inakusahan ni Pangulong Duterte ang rebeldeng komunista na gumagawa ng pera mula sa pag-endorso sa mga kandidato kung saan tanging ang mga lider lamang nito ang nakikinabang.

“They are earning billions. Kayong mga NPA na nasa gubat ngayon na gutom walang makain, may sakit, ang inyong liderato bilyon ang nakukuha nyan,” ayon sa Chief Executive.

Samantala, pinayuhan naman ng Punong Ehekutibo ang mga kandidato na naghahangad na makapagsagawa ng pangangampanya sa mga “critical areas” na komonsulta muna sa mga pulis at militar para sa kanilang seguridad. Kris Jose