Digong tikom-bibig sa desisyon ni PBBM na ‘di pagsali sa ICC

Digong tikom-bibig sa desisyon ni PBBM na ‘di pagsali sa ICC

August 5, 2022 @ 7:13 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Tumangging magkomento si dating Pangulong Rodrigo  Duterte sa naging desisyon ng kanyang successor na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na sumali uli ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) — bagay na planong mag-imbestiga sa “crimes against humanity” at paglabag sa karapatang pantao ng una.

Tinukoy nito ang naging pahayag ni Pangulong Marcos na wala itong balak na ibalik ang Pilipinas sa ICC.

“I would rather not comment on it. I cannot, I’m a civilian, I cannot say anything about it. Tahimik na muna ako,” ayon kay Duterte sa isang chance interview matapos na bumisita sa lamay ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Marso 2018 nang kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute of the International Criminal Court.

Ang Rome Statute ay isang treaty na lumikha sa International Criminal Court kung saan naging signatory ang Pilipinas noong 1998.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng preliminary examination ang ICC sa war on drugs ni Duterte.

Agosto 23, 2011 naging signatory ang bansa sa Rome Statute of the International Criminal Court.

Samantala, sa ulat, nanindigan ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) na karapatan ng gobyerno ng Pilipinas na huwag sumali muli sa International Criminal Court.

Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, maraming bansa na hindi naman miyembro ng ICC tulad ng US, China, at Russia.

Iginiit pa ni Remulla na gumagana ang judicial system ng bansa at hindi naman mapagkakaitan ng katarungan ang mga biktima kung hindi miyembro ng ICC ang Pilipinas.

Iginiit din ni Solicitor General Menardo Guevarra na prerogative ng pangulo bilang punong arkitekto ng foreign policy ng bansa na i-determina kung anong organisasyon maaaring sumapi ang Pilipinas.

Aniya, ang pangunahing konsiderasyon ng presidente ay ang interes at soberanya ng bansa. Kris Jose