DILG: Contingency plan handa sakaling may manggulo sa botohan

DILG: Contingency plan handa sakaling may manggulo sa botohan

April 29, 2022 @ 3:46 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may nakahanda silang contingency plan sakaling may magtangkang manggulo sa halalan sa Mayo 9.

Sa Laging Handa public briefing, tiniyak ni DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya na kayang tugunan ng Commission on Elections at ng Philippine National Police ang mga posibleng disruption.

“Kung saka-sakali man na may magtangkang i-disrupt ang ating elections sa Mayo 9, may contingency plan na po ang Comelec and they have prepared and made ready the civil disturbance unit of the PNP,” ani Malaya.

Bukod dito, nakapag-deploy na rin ang PNP ang mga karagdagang pulis sa mga lungsod at bayan na itinuturing na election areas of concern o election hotspots.

Sa ngayon, nasa 104 na munisipalidad at 14 na lungsod na ang inilagay sa “red category” habang 10 lugar ang isinailalim sa Comelec control dahil sa posibleng election-related violence.

Ayon naman sa PNP, hanggang noong Abril 18 ay wala silang natatanggao na anumang ulat ng posibleng pananabotahe sa paglulunsad ng halalan. RNT/ JCM