DILG: ‘Harassment’ sa onion farmer sa Pangasinan, imbestigahan

DILG: ‘Harassment’ sa onion farmer sa Pangasinan, imbestigahan

January 23, 2023 @ 9:06 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) nitong Linggo na sinabihan na nito ang regional offices na imbestigahan ang umano’y harassment sa isang onion farmer. 

Inihayag ng DILG na ipinag-utos nito Region 1 at Pangasinan provincial offices na imbestigahan ang ulat na hinarass ang onion farmer ng pulis matapos dumalo sa imbestigasyon ng Senado sa pagtaas ng presyo ng local onions.

Sinabi ng DILG na ipinag-utos na ni Secretary Benhur Abalos sa local DILG offices na busisiin ang insidente. Sinimulan na rin ng Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. ang sarili nitong imbestigasyon.

Nagpaalala naman si Abalos sa mga pulis na sumunod sa batas upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga pulis at sibilyan.

Sinabi rin niya na magbibigay ng updates ang DILG patungkol sa imbestigasyon.

Nitong nakaraang linggo, isa si Merly Gallardo sa mga magsasaka na naglahad sa Senado na pahirap nang pahirap ang kanilang buhay, dahil sa patong-patong na utang.

Binibili lamang ng traders only ang kanilang ani nang hindi lalampas sa P20 kada kilo, dahilan para malugi sila, base kay Gallardo.

Subalit dalawang araw matapos ibahagi ang hinaing sa mga senador, binisita umano ng mga pulis ang kanyang tahanan sa Bayambang, Pangasinan nang walong beses, at tinanong siya ukol sa pumanaw na asawa na nagpatiwakal, maging apat pang magsasaka na namatay din sa parehong paraan.

Nauna nang nagbabala si Senator Imee Marcos sa mga pulis na lubayan ang mga magsasaka na tumestigo sa Senado, at sinabing ginawa ito dahil sa utos ng DILG at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). RNT/SA