DILG HINILING ANG TULONG NG LGUs UKOL SA SIM REGISTRATION ACT

DILG HINILING ANG TULONG NG LGUs UKOL SA SIM REGISTRATION ACT

December 27, 2022 @ 12:57 PM 1 month ago


PINATUTULONG ng Department of the Interior and Local Government ang mga local government unit sa paghahatid ng tamang impormasyon hinggil sa implementasyon ng Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act.

Epektibo ang batas sa December 27, 2022 ayon sa National Telecommunications Commission, kung saan mandatory na kailangang irehistro ang mga subscriber identity module sa kani-kanilang telecommunications provider. 

Pangunahing layunin ng batas na matulungaan ang PNP o ang Philippine National Police na masugpo ang tumataas na bilang ng communication-aided criminal activities sa bansa kabilang ang mobile phishing, spam text messages, online scams, bank frauds at identity theft.

Para kay DILG secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., para makarating sa grassroot level ang impormasyon hinggil sa SIM registration partikular ang benepisyo ng batas at mga dapat gawin sa pagpaparehistro ay kailangan ang tulong ng mga LGUs.

Alinsunod sa Section 4 ng nasabing batas, inaatasan ang DILG kasama ang Department of Information and Communications Technology, Department of Education, NTC, at telecommunication companies na magsagawa ng pagpaparehistro sa mga lugar na malayo at mahina ang internet sa loob ng 60 days.

Habang ang mga web-based registration na gagawin ng mga TELCO ay hanggang 180 days. Made-deactivate ang mga SIM na hindi marerehistro.

Makikipag-ugnayan ang DILG sa mga local chief executives at Barangay chairperson’s ng mga GIDA o geographically isolated and disadvantage areas para sa paglalagay ng mga registration facility sa kanilang mga lugar.

Maging ang SIM card na ginagamit ng mga bata at mga kabataan ay kailangan ding irehistro ngunit kakailanganin ang consent form ng mga magulang o kanilang guardian.

Binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng bagong batas para mabigyang proteksyon ang maraming mamamayan sa lumalaganap na krimen gamit ang makabagong komunikasyon.

Nagbigay din siya ng babala sa mga magtatangkang magbigay ng mga maling impormasyon dahil maari silang makulong ng mula anim na buwan hanggang dalawang taon at pagbabayad ng multang mula P200,000.00  hanggang P300,000.00.

Ang SIM registration act ang kauna-unahang batas na nilagdaan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. bilang Pangulo ng bansa.