DILG Pangasinan official pinag-leave ni Abalos sa isyu ng ‘harrassment’ ng mga pulis sa onion farmers

DILG Pangasinan official pinag-leave ni Abalos sa isyu ng ‘harrassment’ ng mga pulis sa onion farmers

January 24, 2023 @ 4:48 PM 4 days ago


MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Interior Secretary Benhur Abalos sa opisyal ng  DILG Pangasinan na mag-leave sa trabaho matapos lumutang ang balita ng diumano’y pangha-harrass ng mga pulis sa ilang onion farmers.

Sinabi ni Abalos na hindi  ipinaalam sa kanya ni DILG Pangasinan director Virgilio Sison ang naging direktiba nito sa Bayambang Police na magsagawa ng imbestigasyon at kumuha  ng karagdagang impormasyon sa napaulat na pagpapakamatay di umano ng limang magsasaka ng sibuyas.

“Hinahantay ko yung explanation ng DILG [Pangasinan head], bakit siya gumalaw nang hindi ko alam on a provincial level? Inaalam ko rin yun. I am just awaiting for explanation lang,” ayon kay Abalos.

“On the part of the DILG, pinasuspinde ko muna yung tao, pina-leave ko muna pending investigation…Hindi suspended e, pinaalis ko muna sa puwesto pending investigation,” dagdag na wika nito.

Sa ulat, isang babaeng magsasaka ng sibuyas sa Bayambang, Pangasinan na tumestigo sa pagdinig ng Senado kamakailan ang hina-harass umano ng Philippine National Police (PNP).

Ibinunyag ito ni Senador Imee Marcos kasabay ng babala sa PNP na huwag gagalawin ang mga testigo ng Senado.

“Hands off lang po sa mga testigo ng Senado,” sabi ni Marcos sa isang pahayag nitong Huwebes.

Inilahad ng senador ang harassment umano kay Merly Gallardo na dumalo sa pagdinig ng Senate committee on agriculture, food and agrarian reform kung saan hinimay ng mga senador ang isyu sa sumisirit na presyo ng sibuyas.

Ayon kay Marcos, may mga pulis na nagpunta sa bahay ng testigo at sa iba pa niyang kasamahan batay sa utos umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Natatakot na ang mga magsasaka ng sibuyas sa biglaang pagkakatok ng pulis kagabi hanggang ngayong umaga upang papirmahin ng sinumpaang salaysay na nagbabaliktad sa kanilang ibinunyag sa Senado nung Martes,” ani Marcos.

“Utos raw ng DILG at ng NTF-ELCAC: CPP- NPA ba ang turing natin sa maliliit na magsasaka sa liblib? Hands off po sa ating mga testigo, lalo’t nagsasabi ng totoo, masakit man marinig,” pahayag pa ng senador.

Ibinahagi pa ni Marcos ang litrato ng advisory umano mula sa DILG Pangasinan provincial office na nilagdaan ng isang Director Virgilio Sison na naglalayong kumuha ng dagdag na impormasyon na may kinalaman sa napaulat na pagpapakamatay umano ng limang magsasaka ng sibuyas.

Samantala, inilunsad naman ng DILG, araw ng Martes ang kanilang  urban farming program para sa mga barangay para makatulong na tiyakin ang  food security sa bansa.

At sa tanong kung magiging mandatory  ang urban farms sa lahat ng barangays, ang tugon ni Abalos ay oobserbahan muna ng DILG ang implementasyon ng proyekto sa mga susunod na buwan.

“Titignan muna natin for next several months how it would go and then let us see. Hindi kasi lahat ng barangay may lupa,” aniya pa rin.

“HAPAG sa Barangay Project is set to serve as a strategy to diversify food sources and contribute to ensuring food security in the country,” ayon naman sa DILG.

Layon nito na palakasin ang kakayahan ng mga  barangay para sa “sustainable agriculture initiatives through community gardening” sa kanilang lugar.

Samantala, hinikayat naman ng DILG ang sambahayan at mga komunidad na magtanim ng prutas at gulay mula sa kanilang bakuran at lugar at maging sa mga bakanteng lugar sa barangay. Kris Jose