DILG sa PNP: Patakaran sa pagbibigay ng armas, lisensya busisiin

DILG sa PNP: Patakaran sa pagbibigay ng armas, lisensya busisiin

February 22, 2023 @ 3:49 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – INIUTOS ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. nitong Martes, Pebrero 21 sa Philippine National Police (PNP) na repasuhin ang mga patakaran at proseso nito sa pag-iisyu ng mga baril at ang lisensya para dalhin ito sa labas ng kanilang tirahan.

Ang kautusan ay kasunod ng pananambang sa Nueva Vizcaya na ikinamatay ni Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at mga kasama nitong sina John Duane Alameda, Abraham Ramos Jr., Ismael Nanay, Alexander delos Angeles at Alvin Abel.

Sa ulat, sakay ang anim ng isang itim na Hyundai Starex van nang barilin sila ng grupo ng anim na nakamaskara na naka-uniporme ng pulis bandang alas-8:45 ng umaga noong Linggo sa Sitio Kinacao sa bayan ng Bagabag ng Nueva Vizcaya.

Kaugnay nito hiniling din ni Abalos sa PNP na paigtingin ang ‘Oplan Katok’ o pagbisita sa mga tahanan ng mga may hawak ng baril para isuko ng mga ito ang kanilang mga baril na hindi pa rehistrado o expired na ang mga lisensya.

“Magsasagawa rin ng mas madalas na pagpapatrolya sa mga lansangan upang magdalawang-isip ang mga masasamang-loob na isakatuparan ang kanilang masamang balak,” sinabi ni Abalos sa isang pahayag.

Samantala iniutos din ng DILG chief sa PNP na palakasin ang kanilang pagsugpo laban sa iligal na pagbebenta ng uniporme ng pulisya.

Dapat aniyang tiyakin ng PNP na ang mga accredited suppliers lamang ang pinapayagang magbenta at tanging mga lehitimong pulis lamang ang gumagamit ng mga bagay na ito.

“Ipinapaabot po namin ang aming pakikiramay sa naulilang pamilya ni Vice Mayor Alameda at ng kanyang mga kasama. Makakaasa ang mga kaanak at pamilya ng mga biktima na tututukan ng pulisya ang kaso at gagawin ang lahat para manaig ang hustisya,” sabi ni Abalos sa isang pahayag.

Kaugnay nito sinabi ni Abalos na nagsasagawa na ngayon ng malawakang imbestigasyon ang special investigation task force ng Police Regional Office 2 (Cagayan Valley) para matukoy at maaresto ang mga salarin sa krimen.

“The DILG stands firm that it will continue to protect the Filipino people towards a more peaceful and safer Philippines. We must not let violence prevail. Let’s work together for the sake of our country’s peace,” ayon pa kay Abalos.

Samantala, sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na tinitingnan nila ang tatlong anggulo sa pamamaril, ito ay ang politika, negosyo at personal na sama ng loob bilang posibleng motibo sa krimen.

Bahagi aniya ng imbestigasyon ang pagtukoy kung pulis nga ang mga salarin dahil sinabi ng mga saksi na nakasuot sila ng uniporme ng pulis nang harangin nila ang isang kalsada sa bayan ng Bagabag at tuluyang pinaputukan ang sasakyan ng Alameda.

“We are still determining if the perpetrators are really in the PNP service because apparently, they were using police uniforms. Kung talagang pulis sila, we will continue pursuing the investigation and we will apply the full force of the law. The use of PNP uniporme, uncalled yun kasi nadudumihan nila ang image ng uniformed services, lalo na ng police organization. Kaya hinihikayat namin ang suporta ng community sa anumang lead na makakatulong sa pagresolba at pagbibigay ng hustisya sa bise alkalde at sa iba pang biktima,” idinagdag niya.

Kaugnay nito sinabi ni Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, na nakuha ng mga lokal na imbestigador ang ilang numero sa chassis number ng sasakyan na natagpuang sunog sa Nueva Vizcaya ilang oras matapos ang insidente. Santi Celario