DILG sa publiko sa ‘COVID vax exemption card’: Walang ganoon!

DILG sa publiko sa ‘COVID vax exemption card’: Walang ganoon!

January 18, 2022 @ 6:24 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Hindi nag-iisyu ang gobyerno ng mga coronavirus disease (COVID-19) ng vax exemption card.

Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko laban sa tinatawag na “COVID-19 vaccination exemption card” na maaaring gamitin umano ng mga hindi pa nabakunahan upang ma-exempt sa stay at home orders, sumakay sa pampublikong transportasyon, mag-enjoy, at iba pang mga pribilehiyo.

“Ang publiko ay binigyan ng babala na walang ganoong bagay, bilang isang ‘vaccination exemption card’. Ito ay hindi awtorisado, inisyu, o kinikilala ng gobyerno. Sa madaling salita, peke ang mga ito,” ani DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya.

Sa press release, sinabi ni Malaya na ayon sa mga ulat na natanggap ng Departamento, ang mga “exemption card” na diumano ay nagmula sa mga Facebook group at group chat sa Rehiyon 11 at 12 ay maaari umanong irehistro sa mga local government units (LGUs) at kinikilala umano ng mga lokal na awtoridad bilang kapalit ng mga card ng pagbabakuna sa COVID-19.

Sinabi ni Malaya na ang gobyerno ay hindi kailanman mag-iisyu o kikilalanin ang mga naturang kard dahil ito ay sumasalungat sa pambansang programa ng pagbabakuna ng pamahalaan upang ma- inoculate ang karamihan ng mga tao upang makamit ang proteksyon sa populasyon.

“Malaking kalokohan ito. Hinding-hindi mag-iisyu ng exemption ang pamahalaan kanino man (Maliban na lang for medical reasons) dahil ang gusto natin ay mabakunahan na ang lahat bilang proteksyon laban sa iba pang COVID-19 variants,” aniya.

Nagpahayag siya ng pagkadismaya na ang ilang mga tao ay gagawa ng mga ganitong gimik at disinformation upang sila ay ma-exempt sa pagbabakuna at malinlang pa ang iba sa paniniwalang maaari silang maging exempted sa pagbabakuna.

Ayon sa mga ulat na natanggap ng DILG, hinihiling sa mga tao na ilagay ang kanilang pangalan, petsa ng kapanganakan, address, at mga pirma sa green vaccination exemption card na ibinabahagi sa mga FB group at group chat, ipa-print, i-laminate, at irehistro ang mga card sa kanilang barangay/city/municipal LGUs.

Samantala, hinimok ni DILG Sec. Eduardo Año ang mga LGU na kilalanin kapwa ang vaccination card na ibinigay ng LGU at ang VaxCertPH digital certificate na ibinigay ng DOH, alinman ang magagamit sa panahon ng mga inspeksyon ng mga alagad ng batas o mga opisyal ng barangay. Santi Celario