DINAAN SA TINGGA AT HINDI SA PAUPONG PAG-UUSAP

DINAAN SA TINGGA AT HINDI SA PAUPONG PAG-UUSAP

July 26, 2022 @ 8:00 PM 2 weeks ago


NAKALULUNGKOT isiping dinilig ng dugo ang sana’y lubos na masayang okason kahapon sa loob ng campus ng Ateneo de Manila University, Quezon City.

Pinagbabaril hanggang sa mamatay si ex-Lamitan, Basilan Mayor Rose Furigay habang masayang naghahanda para sa pagtatapos sa abogasya ng anak niyang si Hanna Rose.

Hindi rin nakaligtas sa tama ng baril ang mga nasawi ring sina Victor George Capistrano, executive assistant ni Furigay at Jeneven Bandiola, security guard.

Nadakip naman ang suspek na si Chao Tiao Yumul, ayon sa ulat kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, na isa umanong doktor at kalugar ni Furigay.

Gayunman, iba naman ang suspek na binanggit ng pulsiya at may ngalang Ramil Nicomedez y Hermo na taga-Bulacan.

Makaraang pagbabarilin ni Yumul o si Nicomedez ang dating mayora at sina Capistrano at Bandiola, tumakas ito gamit ang kinumander niyang sasakyan ngunit bumangga sa ilang sasakyan sa Aurora Boulevard.

Dito siya kinuyog ng mga tao sa lugar hanggang sa madakip ito ng mga pulis na nanghahabol sa kanya.

LIBEL VS KASONG KORAPSYON AT BALA

Naging masaya si Mayor Rose dahil sa graduation ni Hanna Rose at naroon na nga sila sa campus  nang maganap ang malagim na krimen.

Sino nga namang magulang ang hindi masaya kung natapos na ang kanyang anak sa abogasya at sa susunod na mga buwan o taon ay abogado na sa wakas ang anak?

Ngunit dinilig ng dugo at kamatayan ang lahat.

At hindi lang ang kasiyahan ang tinapos at sinira ng insidente kung maging ang mga nakaraang pangyayari sa pagitan nina mayora at Yumul.

Lumalabas sa ulat ng may mga kasong libelo at korapsyon sa pagitan nina Furigay at Yumul.

Kinasuhan umano ni Mayora si Yumul ng mga kasong libelo habang kasong korapsyon naman umano ang isinampa ni Yumul laban sa mayora.

Sa halip na korte ang magpapasya sa mga kasong nasa pagitan ng dalawa, bala ng baril ang ginamit para matapos na ang lahat.

Pahayag umano ni Yumul, simula nang pagkakasuhan siya ni Furigay ng libelo, hindi na ito nakapaghanapbuhay bilang doktor at ang pagpatay ang ipinambawi nito kay mayora.

Tiyak namang dahilan si mayor na magsampa ng kaso laban sa doktor.

LOSE-LOSE SOLUSYON

Karaniwang umaasa ang magkabilang partido ng pagpanig ng hukuman laban sa isa’t isa sa mga kaso.

Subalit mayroon ding mga win-win solusyon kung may makita ang korte na pabor at hindi pabor sa magkabilang panig.

Magkagayunman, masasabing lose-lose solution ang nangyari na parehong talo ang magkabilang panig.

Sino naman ang magsasabing panalo ang namatay o ang mabibilanggo nang habambuhay, depende sa magiging desisyon ng hukuman sa kaso?

Walang makaaalam kung ano ang magiging desisyon ng korte pagdating ng panahon subalit ang katotohanan at katarungan ay dapat na mangibabaw sa lahat.