Dinaanan ng persons of interest sa Percy Lapid slay natukoy sa CCTV footage

Dinaanan ng persons of interest sa Percy Lapid slay natukoy sa CCTV footage

October 10, 2022 @ 9:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Makikita sa karagdagang CCTV footage na nagtungo ang riding-in-tandem na pinaniniwalaan ng mga awtoridad na pumatay kay Percival Mabasa, na mas kilala bilang Percy Lapid, sa Alabang-Zapote road matapos ang ambush.

Nakita sa CCTV sa harap ng Las Piñas City hall ang motorsiklo na bumabaybay sa nasabing lugar.

Sa footage, mapapansina ng person of interest na nakasuot ng pink jacket.

Makikita rin sa isa pang CCTV footage na mabilis ang takbo ng motorsiklo ng tandem. Subalit sa sunod na clip, ang lalaking sakay ng motorsiklo ay hindi na nakasuot ng pink jacket.

Sunod na namataan ang persons of interest na umiiwas sa traffic build-up sa bahagi ng Alabang Zapote road malapit sa isang fast-food restaurant sa pamamagitan ng counter-flowing. 

Samantala,  sa hling CCTV footage kung saan nakita ang dalawa, patungo sila sa direksyon ng Alabang sa Muntinlupa City. 

Sinabi ni Acting Southern Police District Director Police Colonel Kirby Kraft na dahil sa mabilis na takbo ng tandem, nahirapan ang Anti-Cybercrime group sa pag-enhance ng videos.

“Nahihirapan tayo ma-identify yung sakay sa motorsiklo sa sobrang bilis ng motorsiklo na para matakas. Marami nilampasan,” aniya.

“Mga sumunod na araw nakakuha tayo ng CCTV footages na tumatakas ang suspek at malaking tulong sa ginagawang imbestigasyon para matukoy kung saan maari nag tago,” dagdag ni Kraft.

“Hanggang ngayon, tuloy tuloy ang backtracking natin sa mga CCTV kung saan nagtungo ang ating suspek.” 

Hinikayat din ni Kraft ang mga motorista na dumaan sa Alabang Zapote Road lampas alas-8 ng gabi noong Oktubre 3 na suriin ang dashcam para sa posibleng leads.

“Kasama natin Highway Patrol. Baka meron din camera yung dashboard ng kanilang sasakyan, atin po tong hingan ng tulong para ma identify ang suspek,” pahayag niya.

“Mabilis din naman sila gumagalaw. In fairness to authorities, dahil alam ko napaka salimuot nitong kaso,” ayon kay Roy Mabasa, kapatid ng radio commentator.

“Umaasa na lang tayo na ang kalutasan nito ay magiging mas mabilis kaysa sa ating inaasahan.“

“Ang problem how to unmask yung nasa likod nito kasi madali kumuha ng mga bayaran na killer,” giit niya.

Higit sa pagkamit ng hustisya para sa pinatay na kapatid, sinabi ni Roy na ang pagkakaresolba sa kaso ay makatutulong na wakasan ang mga krimen laban sa mga mamamahayag.

“Hindi ako papayag na kabilang lang sa statistics,” aniya.

“Lahat tayo inaasahan na titigil na ang pagpatay sa journalists.” RNT/SA