Direk Joel, di galit kay Darryl, naaawa!

Direk Joel, di galit kay Darryl, naaawa!

February 24, 2023 @ 2:00 PM 4 weeks ago


Manila, Philippines – Panauhin ng programang Cristy Ferminute si direk Joel Lamangan nitong Huwebes, February 23.

Sumentro ang panayam sa kanya sa alitan nila ni direk Darryl Yap lalo pa’t magbabanggaan sa takilya ang kanilang mga pelikula sa March 1.

Ito’y ang Oras de Peligro ni direk Joel at Martyr or Murderer ni direk Darryl.

Tahasang sinabi ng senior director na hindi siya galit sa baguhang direktor, bagkus ay naaawa siya dahil nadidiktahan ito ng ilang taong ang interes ay hindi para sa nakararami.

Pag nagkaedad daw si Darryl ay saka lang nito mapapagtanto na ginagamit lang siya ng mga taong ‘yon.

Pagmamalaki ni Joel sa ODP, wala raw siyang siniraan doon manapa’y inilahad lang niya ang katotohanan.

Taliwas daw ito sa pelikula ni Darryl na kung tutuusi’y hindi pa ipinapanganak noong panahong ayon sa tema ng pelikula niya.

Bata pa raw kasi ito.

Inamin naman ni Joel na nasaktan siya nang sabihin ni Darryl na matandang sinungaling.

Pero depensa ni Joel, katotohanan lang ang mapapanoid sa ODP.

Nang sabihin daw niyang gagawa siya ng pelikula para kontrahin ang ipinakita sa Maid in Malacañang na prequel ng MoM ay hindi pa raw siya iniaalok para idirek ang ODP.

Medyo lumambot lang ang puso ni Joel nang makarating sa kanya ang sinabi ni Darryl na hindi siya puwedeng maging kaibigan nito, dahil isa siyang tagahanga ng batikang direktor.

Sa bandang huli’y inanyayahan ni Joel ang publiko na magtatapat ang mga pelikulang may magkaibang punto de vista.

Bagama’t iginiit ni Joel na parehong naglalaman ng katotohanan ang magkatapat nilang pelikula, ang kanya raw ODP ay ginawa niya para sa interes ng nakararaming tao at hindi ng iilan lang. Ronnie Carrasco III