Direk Miah, nakasungkit ng 2 international awards!

Direk Miah, nakasungkit ng 2 international awards!

August 3, 2022 @ 7:30 PM 5 days ago


Manila, Philippines – Humakot ng dalawang major film awards si direk Jeremiah Palma sa dalawang international festival na idinaos sa bansang India. Ito ay sa pelikula niyang Umbra.

Sa libu-libong mga movie entry sa buong mundo ay nasungkit ni direk Jeremiah ang dalawang best director award sa magkaibang international film festival.

Isa na dito ang Roshani International Film Festival na pinangunahan ng Film Education and Welfare Foundation sa Aurangabad, India.

Ang nasabing festival ay gumagamit ng media bilang platform at instrumento upang ganap na makuha ang atensyon ng publiko.

Nauna dito ay nanalo din ng best direktor si Palma sa parehong pelikula sa Venus International Film Festival 2022.

Ang 2 international film awards na nakamit ni Palma ay malaking tulong upang lalong tumaas ang antas at kalidad ng pelikulang Pinoy at magbubukas na rin ng dagdag na oportunidad para sa local film industry.

Si Palma ay kilala din sa tawag na Direk Miah. Nakapag-direk na rin siya ng music video at short films noong 2020.

Sa mga nagtatanong ay mapapanood sa Pinas ang Umbra matapos ang pagpapalabas dito globally.

Si direk Miah ay ang director-in-charge ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc. (KSMBPI) Film Division. JP Ignacio