DIREKTIBA NI NCRPO DIRECTOR, TABLADO SA PAMUNUAN NG NPD

DIREKTIBA NI NCRPO DIRECTOR, TABLADO SA PAMUNUAN NG NPD

September 9, 2022 @ 6:45 PM 3 weeks ago


IBANG klase rin pala ang bagong pamunuan ng Northern Police District sa ilalim ni Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Penones, Jr. dahil mukhang hindi raw lumilinya sa direktiba ni National Capital Region Police Office Director P/BGen. Jonnel C. Estomo na maging kaisa ang miyembro ng media sa paghahatid ng mga mahahalagang impormasyon at accomplishments ng kapulisan.

Noon kasing magsagawa ng “meet and greet” sa mga miyembro ng media si Estomo, sinabi niya na magiging ka-partner ng pulisya ang mga mamamahayag para maihatid ang tama o wastong impormasyon sa mga nangyayari sa kapaligiran at maipabatid na rin sa publiko ang mga ginagawa ng pulis para mapanatili ang katahimikan at kaayusan ng Kamaynilaan.

Kaya lahat ng mga aktibidad ng NCRPO ay ipino-post nila sa binuong viber group, kasama ang mga miyembro ng media, upang maging madali ang mga kinakailangang impormasyon kaugnay sa mga kaganapan sa Kamaynilaan.

Kung may katanungan o kakulangan sa impormasyon na nais malaman ng mga miyembro ng media, malaya silang makapagtatanong sa viber group na kaagad na tinutugunan ng NCRPO sa pamamagitan ng kanilang Public Information Office chief na si P/Maj. Anthony Alising.

May pangyayari kasi na hindi lahat ng impormasyong naibabahagi ay detalyado kaya kinakailangang magtanong ang miyembro ng media na kaagad namang natutugunan NCRPO.

Ganito rin ngayon ang ginagawa ng pamunuan apat na police districts na isinasama sa viber group ang mga miyembro ng media.

Pero sa NPD, mukha yatang iba ang sitwasyon, dahil hindi ka pala puwedeng magtanong sa kanilang viber group kapag gusto mong malaman ang kumpletong detalye.

Saan ka ba naman kasi nakakita na may accomplishment sana ang pulisya dahil nahuli ang suspek sa isang mabigat na kaso pero walang pangalan ang biktima? Puwede naman sabihin sa report na tumangging magpakilala ang biktima para sa kanyang proteksiyon kung yan ang gusto ng pulisya.

Bukod dito, malabo rin ang detalye kung anong unit ng pulisya ang nag-operate para mahuli ang suspek kaya no choice ang reporter kundi magtanong sa viber group.

Pero alam n’yo ba kung ano ang tugon ng NPD? Ang tugon nila hindi ka na puwedeng magpadala ng mensahe dahil hindi ka na kasali sa grupo. Sa madaling salita, removed from the group ka na dahil ayaw siguro nila ng may magtatanong.

Aba, eh sino kaya sa palagay ng NPD ang nawalan? Ang reporter ba na nagko-cover sa kanila o mismong ang NPD?