Direktor nina Iza Calzado at Pilar Pilapil, na-lockdown sa London; biglang nurse sa COVID-19 patients

Direktor nina Iza Calzado at Pilar Pilapil, na-lockdown sa London; biglang nurse sa COVID-19 patients

August 10, 2020 @ 12:17 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

London, United Kingdom—Wala sa hinagap ng Fil-Briton filmmaker na si Jowee Morel, direktor ni Iza Calzado sa “Mona, Singapore Escort” at Pilar Pilapil sa “Leona Calderon” at lumikha ng pinakahuling documentary film ng Quezon City na makukulong siya sa London nang biglang isinara ng pamahalaan ng United Kingdom ang mga teritoryo nito dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19 sa mga bansa nito.

Ayon kay Jowee, pauwi na sana siya sa Pilipinas mula sa London noong Marso pagkatapos niyang makapag-shoot ng mga eksena para sa docu film ng kauna-unahang British-Filipina Hertsmere Mayor sa UK na si Cynthia Barker pero na-lockdown siya sa London dahil wala na ring eroplanong masasakyan pabalik ng bansa.

“Hindi ko malaman ang aking gagawin. Ang daming nakabinbin na trabaho sa Pilipinas. May tinatapos pa akong documentary film tungkol sa Lucban, Quezon at kailangan kong tapusin d’yan pero wala akong magawa,” pahayag ni Jowee sa online interview habang siya ay nasa London.

Noong una, nabagabag siya dahil natakot din siya sa paglaganap ng COVID-19 sa London na ikinamatay ng maraming health worker sa UK.

“Ang mga namamatay pa naman dito ay ‘yong ethnic minority like mga Asian kasama na ang mga Filipino at mga black kaya natakot ako,” salaysay ni Morel na gumawa rin ng mga pelikulang “Moma,” “Ec2luv,” “Mga Paru-Parong Rosas,” “When A Gay Man Loves,” “HiStory, “Latak” at “Strictly Confidential.”

Naging kampante lang ang British-Filipino director nang magpasya siyang magtrabaho muli bilang caregiver at nars sa mga pribadong pamilya ng mga nakatatanda at sa ospital.

Nursing ang natapos na kurso ni Jowee sa London kaya marami siyang alam sa medisina. Gayunman, habang gumagawa siya ng pelikula sa UK, nag-aral siya ng Master of Science in Cinematography and Post-Production sa University of Greenwich sa London.

“Gusto ko rin na makapaglingkod sa aking kapwa sa panahon ng pandemya. This is our vow of service to humanity. Naiiyak na ako. Kasi, nakikita ko ang very depressing situation dito sa London lalo na sa mga ospital nang dahil sa COVID.

“Dito, kumpleto kami ng PPEs at disinfectant sa trabaho namin para ligtas kami sa infection. Pagdating ng bahay, disposable ang PPE but I pity the patients here who are suffering from COVID-19. Ako bilang nurse, I want to save their lives,” tumatangis na pahayag ni Jowee.

Samantala, uuwi siya sa Pilipinas pag bumuti na ang kalagayan ng kalusugan ng mga epektado ng virus at kung gagawa na muli siya ng pelikula. Boy Villasanta


  •  
  •  
  •  

Loading...