Disability pension ng beterano, dadagdagan ng Senado

Disability pension ng beterano, dadagdagan ng Senado

November 23, 2022 @ 1:30 PM 7 days ago


MANILA, Philippines – Hinihikayat ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang mga kasamahan sa Senado na repasuhin ang disability pension ng mga beteranong may kapansanan na tatlong dekada nang hindi nababago.

Ayon kay Estrada, isang matinding kawalan ng hustisya para sa mga benepisyaryo ang buwanang pension na ang kasalukuyang halaga ay naglalaro lamang sa P287.

Ang P1,000 hanggang P1,700 na buwanang pension para sa mga beteranong sundalo at kanilang mga sustentado sa ilalim ng RA 6948 ay hindi nadagdagan sa nakalipas na 28 taon, sabi ni Estrada sa kanyang sponsorship speech sa Senate Bill No. 1480.

“Kung isasaalang-alang ang mataas na halaga ng pamumuhay ngayon at lagay ng kanilang kalusugan, kakarampot na lamang ang halaga nito bilang pantustos sa kanilang pangangailangan. Kung susumahin, masyado ng mababa ang halaga ng P1,000 noong 1994 dahil tumaas na ng 250% ang presyo ng mga bilihin mula noon. Ang halaga ng isang libo noon ay P287 na ngayon. Hindi na po sapat ang presyo ng tinatanggap ng ating mga beterano, lalo na sa harap ng pagtaas ng mga bilihin at mga pangunahing pangangailangan,” aniya.

Binigyang-diin ni Estrada ang halaga ng pagtaas ng pensyon ng mga beterano, mula sa buwanang minimum na P4,500 para sa may kapansanan, at pinakamataas na P10,000 at P1,000 para sa asawa at bawat menor de edad na anak.

Ang pagtaas sa nasabing mga benepisyo ay ipagkakaloob sa mga kwalipikadong benepisyaryo na kabilang sa 4,386 beteranong pensiyonado. Nasa 204 sa kanila ang mga centenarians na, at ang pinakamatanda ay isang 112 taong gulang na beterano ng World War II; 2,276 na asawa at 795 menor de edad na anak ng mga beteranong sundalo.

Ayon sa datos na ibinahagi ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), napag-alaman ni Estrada na umaagot sa 1,484 ang mga beteranong nasa edad 90 hanggang 99 at karamihan sa kanila ay bed-ridden na.

Ang umiiral na batas na nagkataong co-author at itinaguyod ng kanyang ama na si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada noong 8th Congress, ay huling inamyendahan noong 1994.

“Kahit na nasa dapithapon na sila ng kanilang buhay at patuloy pa rin silang nakikipagdigmaan sa naiibang laban. Ito ay isang simpleng pasasalamat at pagpapahalaga sa napakahalagang serbisyo, katapatan, at katapangan ng ating mga beterano sa militar, na pinagkakautangan natin ng kalayaan, demokrasya, at kapayapaan na tinatamasa nating lahat ngayon,” sabi ni Estrada.

“Sa isang pagdinig, nabanggit ng PVAO na nangangahulugan ito ng karagdagang disposable income na magagamit nila sa kanilang pang-araw-araw na gastusin sa pamumuhay para sa ating mga sundalong beterano. Ngunit higit pa rito, ito ay isang katiyakan sa ating mga beterano na hindi natin sila nakakalimutan at isang tangible na pagpapakita ng patuloy na pangako ng buong gobyerno na tiyakin ang kapakanan ng mga beterano ng ating bansa sa pamamagitan ng paggarantiya na ang kanilang pensiyon ay tumutugon sa kanilang kasalukuyang pangangailangan,” dagdag niya. Ernie Reyes