DISIPLINA SA MOTORISTA, LAYUNIN NG NCAP SA MAYNILA

DISIPLINA SA MOTORISTA, LAYUNIN NG NCAP SA MAYNILA

July 7, 2021 @ 2:24 PM 1 year ago


HINDI basta para kumita ng salapi tulad ng pahiwatig ng ilang sektor ang dahilan kung bakit ipinatupad ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa kabisera ng bansa na kanyang pinamumunuan.

May commuters group kasi na bumabatikos sa NCAP ng mga lokal na pamahalaan dahil bukod daw sa kulang sa angkop na mekanismo at proseso ang programa, napakataas pa ang ipinapataw ng multa ng mga nahuhuling motorista.

Binigyang halimbawa ng grupo ang kakulangan ng sentralisadong data base at hindi mahusay na serbisyo ng PhilPost na nagiging dahilan sa makupad na pagpapadala ng notice of violation (NoV) sa mga rehistradong may-ari ng sasakyan na nakuhanan ng camera sa aktong lumalabag sa batas-trapiko.

Sabi nina Director Dennis Viaje Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Wilson Chan, ang Chief of Operation, totoo na mas malaki ang ipinapataw na multa sa mga nahuhuling lumalabag sa batas trapiko sa pamamagitan ng NCAP kumpara sa sinisingil ng MMDA pero may maganda anilang layunin ito dahil magagamit nila ang makokolektang salapi sa pagbili ng sariling gamit tulad ng motorsiklo, sasakyan, breath analyzer, body cameras at iba pang pangangailangan upang maisagawa nila ang mahusay na pagseserbisyo sa motorista, pedestrian at taumbayan at hindi lamang para kumita tulad ng pahiwatig ng mga bumabatikos.

Sa ngayon aniya, bagama’t may ambulansiya na ang MTPB na donasyon ng isang grupo para magamit ng kanilang First Responder Unit (FRU), kailangan pa rin nilang tustusan ang mga pangunahing pangangailangan nito tulad ng mga mamahaling gamit sa pagkakaloob ng first aid sa mga taong nasasangkot sa anomang uri ng aksidente sa lansangan.

Sa kasalukuyan, umaabot sa 500 motorista ang nahuhuli kada-araw sa 24/7 na pagpapatupad ng NCAP sa pitong lugar pa lamang sa Maynila na may nakakabit na high-definition cameras na may laser tracking technology pero sabi ni Yorme, hindi ito dapat ipinagmamalaki dahil nangangahulugan lamang ito na napakaraming pasaway na motorista sa lungsod. Mas nanaisin pa aniya niya na walang mahuling motorista dahil nangangahulugan ito na naitanim nila ang pagdidisiplina ng mga nagmamaneho sa lansangan at ito ang isa sa layunin ng NCAP.

Sinabi naman ni Director Viaje na maiiwasan din ang pangongotong ng mga traffic enforcer.