Diskriminasyon sa mga rider sa checkpoint, pinuna ni Tulfo

Diskriminasyon sa mga rider sa checkpoint, pinuna ni Tulfo

March 16, 2023 @ 2:31 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nais ni Senador Raffy Tulfo na magkaroon ng regulasyon sa mga police checkpoint upang matapos na ang diskriminasyon laban sa mga motorcycle riders.

Sa pahayag nitong Huwebes, Marso 16, pinuna ni Tulfo ang tila diskriminasyon sa mga rider kung saan karaniwang ito lamang ang mga pinapahinto sa mga checkpoint upang busisiin ang kanilang compartments, mga dokumento o minsan pa ay body search.

May mga pagkakataon pa umano na tinataniman ang mga ito ng ebidensya.

Sa kabilang banda naman, malayang nakakadaan ang mga kotse o iba pang sasakyan sa mga checkpoint.

Dahil dito, naghain si Tulfo ng Senate Bill No. 1977 o An Act Regulating the Establishment of Checkpoints in Conjunction with Ongoing Police Operations.

“The installation and maintenance of checkpoints due to the presence of a clear and present danger due to national security and public safety have resulted in serious violations from irresponsible and abusive checkpoint personnel,” saad sa explanatory note ng naturang panukala.

“More often than not, motorcycles are also the ones stopped at checkpoints, these include food delivery riders and couriers,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng panuntunan sa mga checkpoint na ipatutupad sa lahat ng uri ng mga sasakyan.

Kabilang dito ay ang pagsasagawa ng routine checkpoint sa pamamagitan lamang ng visual inspection.

Hindi rin pwede ani Tulfo, na bumaba ng sasakyan ang drayber nito o isailalim sa body search nang walang permiso mula sa kanila.

Dagdag pa, maaari lamang na tingnan ng mga pulis na nakatalaga sa checkpoint ang pagpapakita ng lisensya ng rider kung lumabag ang mga ito sa alinmang traffic rules.

Kung mayroon namang “reasonable suspicion” ang pulisya sa krimen na isinagawa bago, o mismong sa checkpoint ay maaari ng mga ito na isagawa ang “stop and frisk” procedure.

Saad pa sa panukala, sa oras na magresulta sa pagkasawi ng isang individual ang isang checkpoint procedure ay agad na papatawan ng reclusion perpetua ang sangkot dito. RNT/JGC