Diskwalipikasyon vs gov’t official na sangkot sa agri smuggling, pinasasabatas

Diskwalipikasyon vs gov’t official na sangkot sa agri smuggling, pinasasabatas

November 6, 2022 @ 10:50 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Mas may pangil na batas, at mas mabigat na parusa ang gustong isabatas laban sa mga pampublikong opisyal na mapatutunayang sangkot sa smuggling ng mga produktong pang-agrikultura.

Inihain ni AGRI Party-List Rep. Wilbert Lee ang House Bill No. 5742 na naglalayong amyendahan ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 (Republic Act No. 10845) para magpataw ng mas mabigat na parusa tulad ng disqualification sa paghawak ng pampublikong tungkulin.

Binigyang-diin ni Lee ang pangangailangang parusahan hindi lamang ang mga iligal na importer kundi ang lahat ng sangkot sa smuggling ng agrikultura, kabilang ang mga pampublikong opisyal at empleyado “na may walang hanggang ganap na diskwalipikasyon sa paghawak ng tungkulin.”

“The agriculture sector will not progress and issues relating to it will not be solved if the supposed protectors and implementors of public interest are behind agricultural smuggling,” anang solon.

“Strict enforcement is needed as government officials and employees are agents of the people,” Lee explained. “The power and position entrusted to them should only be used for the benefit of all and not for their own personal gain.”

Ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, na isinulat din ng AGRI Party-list, ay nagdeklara ng malakihang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura bilang “economic sabotage.”

Ang parusa ng hanggang habambuhay na pagkakakulong at multa na hanggang doble ng patas na halaga ng smuggled na produktong pang-agrikultura at ang kabuuang halaga ng mga buwis at iba pang singil na may interest rate ay ipapataw sa mga lalabag sa batas, sinabi rin nito. RNT