Distribusyon ng senior citizen cash gifts sa Taguig umarangkada na

Distribusyon ng senior citizen cash gifts sa Taguig umarangkada na

July 16, 2022 @ 1:28 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang ipamahagi ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang birthday cash gifts ng mga senior citizens sa Hulyo 15 para sa mga nagdidiwang ng kanilang kaarawan sa buwan ng Mayo at Hunyo.

Ito ay napag-alaman kay Taguig Mayor Lani Cayetano na nangako sa mga senior citizens na kanyang ipakakaloob ang birthday cash gifts ng hindi na maaantala habang ang distribusyon ng mga nauna nang naantalang birthday cash gifts ay isasagawa araw-araw kabilang ang Sabado at Linggo hanggang sa makumpleto na ang pamamahagi ng birthday cash gifts ng mga senior citizens.

Nito lamang nakaraang Miyerkules (Hulyo 13) ay personal na iniabot ni Cayetano kay centenarian Anacleta Pabon ng Barangay North Signal ang isang cake kasama ng halagang P100,000 bilang regalo sa pagdiriwang ng kanyang ika-100 taong kaarawan.

Ayon kay Cayetano, sa ilalim ng Taguig Ordinance No. 25 na ipinasa noong 2017, ang lahat ng senior citizens sa lungsod na magdiriwang ng kanilang kaarawan ay makatatanggap ng cash gifts sa lokal na pamahalaan ng halagang P3,000 hanggang P10,000 depende kung saan age bracket napapabilang ang isang magdiriwang na senior citizen.

Sinabi ni Cayetano na ang mga birthday cash gifts ay personal na dadalhin ng mga empleyado ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at Barangay Affairs Office (BAO) sa mga tahanan ng mga senior citizens na magdiriwang ng kanilang kaarawan habang ang mga cash gifts ng mga magdidiwang ng kanilang kaarawan sa buwan ng Hulyo ay kasalukuyan nang iprinoproseso.

“Bagama’t naantala ang pagbibigay ng birthday cash gift nitong mga nakaraang buwan, makakaasa kayo na na-adjust na natin ang sistema. Titiyakin namin ang napapanahong pagbibigay ng regalong ito sa mga susunod na,” ani Cayetano.

Sinabi din ni Cayetano na ang lahat ng senior citizens sa lungsod na magdiriwang ng kanilang ika-100 taon ng kapanganakan ay mapagkakalooban ng lokal na pamahalaan ng P100,000 at masusundan pa ito kada taon sa kanilang kaarawan ng kapareho ding halaga.

Buod pa sa birthday cash gift ay sinabi din ni Cayetano na namamahagi din ang lokal na pamahalaan sa mga senior citizens ng libreng gamot para sa chronic diseases tulad ng diabetes, high blood at hika, at libreng serbisyong medikal sa kanilang mga tahanan gayundin ang pamamahagi ng wheelchairs, crutches at hearing aids. James I. Catapusan