DIVORCE BILL ILALABAN MULI

DIVORCE BILL ILALABAN MULI

July 14, 2022 @ 7:56 PM 4 weeks ago


TAOS-PUSONG paghingi ng paumanhin kay Jose Calida sa pagbatikos ko sa aking kolum nitong Hulyo 7 sa pagkakatalaga niya bilang pinuno ng Commission on Audit sa kabila ng mga kuwestiyonableng allowances na ibinigay niya sa kanyang sarili bilang solicitor general kaya naman naging second-highest-paid public official siya sa administrasyong Duterte.
Pero hindi ito isang erratum. Hindi ko lang talaga alam kung ano ang kahalagahan sa kanya ng petsang iyon. Belated happy birthday, Sir!
***
Isang napakasuwerteng okasyon iyon para kay Calida, na sa iisang araw ay nagdiwang ng kanyang ika-72 kaarawan at nanumpa sa tungkulin sa harap ng Pangulo upang maging bagong pinuno ng COA. Naniniwala akong pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga mamamahayag na binigyan siya ni Marcos Jr. ng kalayaang gawin ang kanyang mga responsibilidad sa COA.
Sigurado akong alam ni Calida kung ano ang makakaya niyang gawin sa malayang pamumunong ipinagkaloob sa kanya. Basta huwag lang pahuhuli.
***
Sinabi ng Department of Health na ang ethylene oxide na taglay ng Filipino-brand instant noodles sa Europa ay hindi raw nakakaapekto sa Pilipinas.
Lucky me!
***
Sa fact check ng isang respetadong pahayagan, sinabing mali ang pahayag ng aminadong dating miyembro ng New People’s Army na si Jeffrey Celis na ang National Union of Journalists of the Philippines at Foreign Correspondents Association of the Philippines ay media organizations na may impluwensiya ng mga komunista.
Ang pinanggalingan ng impormasyong ito: NUJP at FOCAP.
***
Si dating Pangulong Duterte ay Citizen Digong na ngayon. Pero sa social media, ang mga post tungkol sa mga ginagawa niya sa araw-araw ay nakukuha pang makaagaw ng pansin mula sa humalili sa kanyang si Pangulong Bongbong Marcos.
Anu-ano ang mga ginawang ito ng dating presidente na dumadaig sa mga pakikipaglaban ni Marcos Jr. sa smuggling ng mga produktong agricultural, stagflation, at COVID-19? Ang pagkain at pagtulog ni Duterte.
***
Kakalabanin ni Albay Rep. Edcel Lagman ang Simbahang Katoliko sa pagsisimula pa lang ng 19th Congress dahil muli niyang ihahain ang kanyang Divorce Bill. Ilang dekada na niyang iginigiit na ang Pilipinas at ang Vatican na lang ang dalawang estado sa mundo na nagbabawal sa diborsiyo.
Malinaw na wala siyang kadala-dala. Mr. Lagman, bakit hindi na lamang kayo maghain ng “No Marriage Bill”? Sa gayon, matatamasa natin ang biyaya sa Vatican na hindi kailanman kailangang dumaan sa pumalpak na pag-aasawa.
***
Isinusulong ng isa sa dating economic advisers ni dating Pangulong Duterte, ang nagtatag ng Go Negosyo na si Joey Concepcion, ang pagka-karoon ng mas simpleng pandemic alert level na katulad ng green-yellow-red signals ng traffic lights, na katumbas ng low-moderate-high risk na COVID-19.
Wala namang problema, pero – gaya nang nakalipas na administrasyon – pakipayuhan si President Marcos Jr. at ang IATF na hayaan munang pangasiwaan ito ni Cebu Gov. Gwen Garcia bago aktuwal na ipatupad.
***
Marahil kung maika-kasa itong kaagad, papayag ang gobernadora na magkaroon ng no-facemask, face-to-face meeting sa positibo sa COVID-19 na si Bongbong Marcos.
Yoo-hoo, Gov. Gwen… naghihintay na sa ‘yo ang Malaca√Īang!
SHORT BURSTS. Pa-ra sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_ View.