Divorce bill ni Padilla ‘di sisira sa sinomang pamilya

Divorce bill ni Padilla ‘di sisira sa sinomang pamilya

July 11, 2022 @ 10:40 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Robin Padilla na ang kanyang panukalang divorce bill ay naglalayong protektahan ang mga pamilya mula sa mga bigong kasal.

Ang pag-legalize ng divorce ay kabilang sa top 10 priority bills na inihain ng neophyte senator para sa 19th Congress.

“Hindi po ito kailanman na sumasalungat sa pag-aasawa. Hindi ito isang bagay na kami ay kontra na magkaroon ng forever. Katunayan, ito pong panukalang ito ay nagbibigay ng proteksyon, unang una sa mag-asawa — babae at lalaki at sa kanilang magiging anak,” ani Padilla sa kanyang Facebook live.

“Sabi nga po nila, baka raw itong panukala ang sisira sa kasal. Ay, hindi po! Itong panukalang ito ang nagbibigay proteksyon sa kasal na — masakit man sabihin — ay sira na. Wala tayong sinisirang pamilya. Pinroproteksyunan natin ang hindi magkasundo,”dagdag pa niya.

Sa ilalim ng panukala ni Padilla, maaaring maghain ng petisyon para sa diborsyo kung:

  • hindi magampanan ng asawang lalaki o asawang babae ang kanyang obligasyon sa kasal

  • ang magkabilang panig sa kasal ay may hindi mapagkakasunduan

  • annulled ang kasal sa ibang bansa

  • ang asawaay ipinapalagay na patay na alinsunod sa Artikulo 390 at 391 ng Civil Code of the Philippines

  • ang isang partido ay nahatulan ng paglabag sa “Anti-Violence Against Women and Their Children Act”

  • may pagtatangka sa buhay ng anak ng mag-asawa o ng petitioner

  • pagkakaroon ng mga anak sa labas ng kasal maliban kung pareho silang sumang-ayon na magkaroon ng anak sa pamamagitan ng in vitro fertilization o katulad na pamamaraan, o kung ang babae ay nagsilang ng anak pagkatapos na halayin

  • may mga batayan para ipawalang-bisa ang kasal batay sa Family Code of the Philippines

  • paulit-ulit na pang-aabuso laban sa petitioner o sa kanyang anak

  • magkahiwalay na naninirahan ang magkabilang panig sa loob ng dalawang taon sa oras na inihain ang petisyon

  • legal na naghiwalay ang mag-asawa sa pamamagitan ng judicial decree sa ilalim ng Article 55 ng Family Code of the Philippines

Ikakasa naman ang isang cooling off period matapos na maisampa ang petisyon apra sa dalawang panig.

Gayunpaman, ang petisyon ay maaaring ibasura “if the two parties submit a verified joint motion or if the court finds evidence of collusion between them.”

Bagama’t pinapayagan ng bansa ang annulment, ikinalungkot naman ni Padilla na magastos ito.

Sa pagbanggit sa survey ng Social Weather Stations noong 2017, sinabi ni Padilla na 53 porsiyento ng mga Pilipino ang pabor sa diborsyo.

Bukod sa Vatican, sinabi ng senador na ang Pilipinas ang tanging bansa sa buong mundo na hindi kinikilala ang diborsyo.

Bukod kay Padilla, ang iba pang senador na nagsusulong ng hiwalayan ay sina Senators Risa Hontiveros at Raffy Tulfo. RNT