Diwa ng Paskong Pinoy, nais maipadama ni PBBM sa OFWs

Diwa ng Paskong Pinoy, nais maipadama ni PBBM sa OFWs

December 19, 2022 @ 6:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang commitment na bigyan ang overseas Filipino workers (OFWs) ng mas maraming de-kalidad na trabaho sa sariling bansa, at sinabing ito ang  “best Christmas gift” na maibibigay ng pamahalaan sa kanila.

Sa kanyang weekly vlog nitong Linggo, inilahad ni Marcos ang kanyang karanasan kamakailan nang makipagkita sa Filipino community sa Belgium at iba pang European countries wkung saan mainit siyang sinalubong sa kabila ng malamig na panahon.

“Napakaginaw talaga pero ang bumungad naman sa atin ay ang napaka init na salubong na binigay ng Filipino community. Sila naman ay sanay na yata sa lamig kaya’t parang wala silang nararamdaman na,” aniya.

Habang pinapanuod ang ilang OFWs na mag-perform ng Christmas song medley para sa kanya at sa iba pang miyembro ng Philippine delegation, sinabi ni Marcos na naging daan ito upang mapagtanto niya kung paanong ipagdiriwang ng marami sa kanila ang Pasko na malayo sa kanilang pamilya.

Aniya, naging inspirasyon ito para sa kanya at kanyang administrasyon upang mas sipagan ang pagtatrabaho upang matiyak ang mas magandang job opportunities sa Pilipinas.

“…Lalo tayo nainspire na paigihin ang ating misyon sa ganitong mga international summit, bilateral talk at roundtable meeting,” anang Pangulo.

“Dahil ang pinakamagandang regalo na maibibgay natin sa ating mga overseas Filipino workers ay ang lalo pang pagandahin ang kalagayan ng ating bansa upang magkaroon ng mas maraming oportunidad para sa bawat manggagawang Pilipino,” patuloy niya.

Gayundin, hinikayat ni Marcos ang mga Pilipino na suportahan ang pagsisikap ng pamahalaan na maiparamdam sa OFWs ang “Filipino Christmas”.

“Ngayong nalalapit na ang kapaskuhan, gawin natin ang lahat upang iparamdam sa ating mga OFW ang init ng paskong Pilipino nasaang dako nang mundo man sila,” ayon kay Marcos.

“Kumustahin natin, tawagan at iparating ang pasasalamat sa kanilang di matatawarang kontribusyon sa pagtataguyod ng Pamilyang pilipino, sa pagbabangon ng ating ekonomiya at sa pagwawagayway ng ating bandila bilang isang lahing magaling, respetado ng buong mundo,” patuloy niya.

Kasunod ng kanyang partisipasyon sa Association of Southeast Asian Nations-European Union (ASEAN-EU) Commemorative Summits sa Brussels, Belgium, sinabi ni Marcos na nakapag-uwi ang bansa ng P9.8 bilyongf investment pledges mula sa European business executives na inaasahang makalilikha ng mas maraming trabaho. RNT/SA