Diyos, misis inspirasyon ni Magsayo; pagiging ice drop  vendor, ipinagmalaki

Diyos, misis inspirasyon ni Magsayo; pagiging ice drop  vendor, ipinagmalaki

February 7, 2022 @ 11:02 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Bukod sa kanyang mga laban sa loob ng ring, iba’t ibang hamon din sa kanyang buhay ang nilabanan ng Filipino world champion na si Mark Magsayo bago maging world champion, kabilang na rito ang pagdududa sa kanyang talento.

Matatandaang naagaw ni Magsayo noong Enero 23 ang WBC featherweight title kay Gary Russell, Jr., na tinalo nito via decision, upang makasama sa  eksklusibong listahan ng mga Filipino world boxing champion.

Pero bago maging world champ, inamin ng dating ice drop vendor mula Bohol na marami ang nagdududa sa kanya, kasama na ang sariling ama.

“Nacha-challenge din ako eh sa mga sinasabi ng mga tao. [Isa rin] ‘yun sa mga dahilan bakit ako nacha-challenge din kasi sabi ko, i-prove ko na mali kayo sa iniisip n’yo,” ani Magsayo.

Sa pagdududa ng mga tao sa kanya, siya mismo ay umamin na may mga pagdududa sa sarili at halos magretiro sa isport. Gayunpaman, isang tao ang tumayo sa kanyang tabi at naniwala sa kanya: ang kanyang asawang si Frances.

“Isa lang ang naniniwala sa akin. Misis ko lang ang naniniwala sa akin na magiging ganito ako. Lagi niya akong sinasabihan na ‘May abilidad ka, may talent ka. Huwag mo sayangin,’ kwento ni Magsayo.

“Nung nasa ring kaming dalawa, nung niyakap ko siya, sabi niya sa akin ‘Ito na hinihintay mo. Sabi ko sa’yo ‘di ba, maging world champion ka. Believe in yourself,’’ hirit pa ng world champion.

Ngunit para kay Magsayo, ang sukdulang susi para maabot ang kanyang layunin ay ang kanyang pananampalataya.

“Faith lang sir sa Panginoon.”Rico Navarro