Dizon sa MPD personnel: Disiplina pairalin sa pagsalubong sa Bagong Taon

Dizon sa MPD personnel: Disiplina pairalin sa pagsalubong sa Bagong Taon

December 27, 2022 @ 3:01 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng tinaguriang ‘the game changer’ na si Manila Police District Director Brig.General Andre Dizon ang kanyang mga tauhan na pairalin ang disiplina sa sarili sa pagdiriwang at pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa kanyang mensahe sa mga kapulisan sa isinagawang blessing at distribusyon ng 100 patrol bikes mula sa Association of Police Officers Lateral Entry (APOLE) sa MPD grounds, sinabi ng heneral na dapat nilang isipin kung gaano kahirap pumasok sa serbisyo at kung gaano kahalaga ang pinasok nilang propesyon.

“Sa bawat isa sa kanila ,sila ay may tungkulin na magpakita ng disiplina at maging ehemplo sila ng pagtupad sa batas,” pahayag ni Dizon.

Bukod dito, sinabi ng heneral na ang pulis-Maynila ay maging asset ng kanilang komunidad.

Aniya, hindi sila dapat kinakatatakutan bagkus sila ay kaibigan at idolo ng nasa paligid nila o mga kapitbahay nila.

Ang naturang mga bisikleta ay gagamitin upang makapagpatrolya ang mga kapulisan ng Maynila hindi lamang ngayong panahon ng Kapaskuhan kundi sa lahat ng panahon at pagkakataon para sa ligtas at payapang lungsod. Jocelyn Tabangcura-Domenden