DJ patay sa trak

DJ patay sa trak

January 22, 2022 @ 9:41 AM 9 months ago


Davao City- Patay ang isang disk jockey makaraan mahagip ito ng truck habang minamaneho ang kanyang motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Orlando Maratas II, nasa hustong gulang, mas kilala sa tawag na Papa Bench o Papa Benjo, DJ ng 103.5 Wow FM at residente sa Manggahan Toril ng lungsod.

Nadakip naman ang suspek at driver ng prime mover truck na kinilalang si Marlou Bustamante.

Batay sa report ng Baliok Police Station , dakong 6:40 PM naganap ang insidente sa Mc Arthur Highway, Barangay Dumoy Davao City.

Lumabas sa imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang kanyang Honda motorcycle pauwi na sana sa kanilang tahanan nang makasalubong nito ang truck na minamaneho naman ni Bustamante.

Sa bilis ng pangyayari, bigla na lamang nahagip ni Bustamante si Maratas dahilan para sumemplang ito sa kanyang motorsiklo.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Kasalukuyan naman nasa lock-up cell ng Baliok Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide./ Mary Anne Sapico