DMW biyaheng Kuwait sa Ranara slay case

DMW biyaheng Kuwait sa Ranara slay case

January 29, 2023 @ 11:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kasunod ng pagpatay sa isa na namang Pinay domestic helper sa Kuwait, nagpadala na ng team na mangangalap ng impormasyon sa nasabing bansa, si Migrant Workers Secretary Susan Ople.

Kasabay nito ay ang pagsisimula ng usapin kasama ang Kuwaiti officials para sa mga posibleng reporma.

Sa press briefing nitong Sabado, Enero 28, sinabi ni Ople na tinitingnan niya ang karagdagang safeguards para sa mg overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait sa halip na magpataw ng deployment ban na isinuhestyon ng mga senador noong nakaraang linggo.

“These are things that should be [considered] deeply and it cannot be a product of emotion or political acoustics,” ani Ople.

“Workers are involved, that’s why we in the DMW are very careful.”

Matatandaan na noong nakaraang linggo, ilang senador ang nanawagan na magpataw ang DMW ng deployment ban sa Kuwait katulad ng ginawa noong 2018 sa pagkamatay naman ng domestic helper na si Joanna at ni Jeanelyn Villavende noong 2019.

Ani Senador Jinggoy Estrada, kailangan na ang pagpapatupad ng ban dahil marami nang mga OFW, karamihan ay mga babae, ang pinapatay sa Kuwait at wala man lamang ideya ang pamahalaan kung paano namatay ang mga ito.

Sinegundahan ito ni Senador Cynthia Villar at sinabing ang deployment ban na ipinataw sa pagkamatay nina Demafilis at Villavende ay nagresulta ng mas mabuting working conditions sa nasa 155,000 OFWs sa Kuwait.

Sa kabila nito, iginiit ni Ople na maaaring makasira sa bilateral ties ng dalawang bansa o mas lumala pa ang sitwasyon ng mga OFW doon kung gagawin ito.

Sa halip, ang pagpunta ng fact finding team ng DMW sa nasabing bansa ay magbunga ng reporma sa polisiya sa labor agreements nito sa Kuwait.

Samantala, nitong Sabado rin, Enero 28, sinabi ni Migrant Workers Undersecretary Bernard Olalia na inihahanda na ang reklamo laban sa
recruitment firm na Catalist International Manpower Services sa bigong pag-monitor sa sitwasyon ni Ranara sa employer nito. RNT/JGC