DMW-controlled OFW hospital, isinusulong sa Kamara

DMW-controlled OFW hospital, isinusulong sa Kamara

March 16, 2023 @ 2:44 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang magtatatag ng ospital para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na magbibigay sa kanila ng mas maayos na access sa de-kalidad na healthcare programs maging sa pamilya ng mga ito.

Sa pagdinig ng House Committee on Health nitong Miyerkules, Marso 15, na inuupuan ni Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., inaprubahan na ang ‘unnumbered’ substitute bill na magtatayo ng Overseas Filipino Workers Hospital bilang isang Level 3 hospital na pangangasiwaan ng Department of Migrant Workers (DMW).

Ang panukala ay substitute ng House Bills 479,1275, 1642, 2058, 4123, 4195, 5114, 5928 at 6111.

Sa ilalim ng panukala, layon nitong makapagtatag at mapangasiwaan ang isang medical facilities, kabilang ang medical at diagnostic center, para sa kapakanan ng mga OFW at qualified dependents ng mga ito.

Ani Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, may-akda sa House Bill 479, ang pagtatayo ng specialty government hospital ay bilang pagkilala na rin sa kontribusyon ng mga OFW lalo na sa paglago ng ekonomiya ng bansa, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng maayos na serbisyong pangkalusugan.

“Overseas Filipino workers are the unsung modern-day heroes of the Philippines as they brave working and living in foreign lands or ocean-going vessels to support and uplift the lives of their families back home, and their regular remittances have greatly contributed to the stability and growth of the Philippine economy,” sinabi ni Arroyo.

Sa ilalim naman ng House Bill 4195, layon ng proposed OFW Hospital na magbigay ng komprehensibo at buong health care services para sa lahat ng migrant workers, maging ang pagsasagawa ng medical examinations sa lahat ng mangingibang-bansa na may aprubado nang job order.

Magsisilbi rin itong primary referral hospital para sa repatriated OFWs na nangangailangan ng medical assistance at bantayan ang kondisyon ng mga pasyente.

Sa ilalim din ng naturang panukala, binibigyang-mandato nito ang kalihim ng DMW na siguruhin ang pagpapalakas sa umiiral na health benefits at medical assistance programs kabilang na ang subsidiya sa hospitalization at medical procedures ng mga ito. RNT/JGC