DMW: Deployment ng Pinoy caregivers sa Hong Kong, bubusisiin

DMW: Deployment ng Pinoy caregivers sa Hong Kong, bubusisiin

January 12, 2023 @ 5:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Tatalakayin ang posibleng deployment ng mga Filipino caregiver at assisted care worker sa isasagawang exploratory talks ng Department of Migrant Workers (DMW) kasama ang counterpart nito sa Hong Kong Special Administrative Region (HK-SAR).

Inihayag ito ni Migrant Workers Secretary Susan Ople matapos ang bilateral meeting kasama si Hong Kong Secretary for Labor and Welfare Chris Sun.

Handa ang gobyerno ng Hong Kong na pabilisin ang pagkuha ng aabot sa 7,000 foreign workers upang matugunan ang matinding kakulangan ng manpower partikular sa mga kategorya ng caregiver at assisted care workers.

Ayon kay Sun, may mataas na pangangailangan para sa mga manggagawa sa pribado at government subsidized care homes at assisted care workers categories dahil sa tumatanda nang populasyon ng Hong Kong.

Ikinatuwa ni Ople ang posibleng pagbubukas ng Hong Kong para sa mga Filipino caregiver at assisted care worker.

Sinabi ni Ople na ang mga talakayan ay nasa antas pa rin ng exploratory level.

Itinalaga ng kalihim si Patricia Yvonne Caunan bilang Undersecretary for Policy and Internationaal Cooperation upang pamunuan ang DMW team na aalis patungong Hong Kong sa susunod na buwan. Jocelyn Tabangcura -Domenden