DMW, DSWD MAGKATUWANG SA PAGBIBIGAY NG TULONG SA OFWs NA NAWALAN NG TRABAHO SA SAUDI

DMW, DSWD MAGKATUWANG SA PAGBIBIGAY NG TULONG SA OFWs NA NAWALAN NG TRABAHO SA SAUDI

March 15, 2023 @ 12:01 PM 2 weeks ago


LUMAGDA na sa isang memorandum of agreement ang Department of Migrant Workers at Department of Social Welfare and Development kaugnay sa pagkakaloob ng P10,000 na tulong para sa sampung libong manggagawang nasa construction industry na nawalan ng trabaho sa Kingdom of Saudi Arabia noong mga taong 2015 hanggang 2016 dahil sa pagkalugi.

Kapwa manggagaling sa DMW at DSWD ang kinakailangang P100 million na humanitarian aid. Paglilinaw ng dalawang ahensya, tulong ito ng pamahalaan habang pi-noproseso pa ang naipangakong kompensasyon mula sa pamahalaan ng KSA.

Ang  Overseas Workers Welfare Administration ang siyang mamamahala sa distribusyon na inaasahang mangyayari sa loob ng dalawang Linggo. Magkakaloob naman ng teknikal na tulong ang DSWD.

Nagpasalamat si DMW secretary Susan Ople sa DSWD para sa paglalaan      nito ng pondo para matulungan ang mga OFW na nawalan ng trabaho at hindi nabayaran ang suweldo.

Sa bahagi naman ng DSWD, sinabi ni Secretary Rexlon Gatchalian na natu-tuwa ang kagawaran na makatulong sa DMW lalo pa’t bahagi naman ng mandato nito ang matulungan ang pamilya ng mga OFW at ang mismong OFWs na nangangailangan ng tulong.

Ang pagtutulungan ng dalawang Kagawaran ay batay sa direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na bigyan ng tulong ang mga OFW na halos siyam na taon nang nakikipaglaban para sa kanilang hindi nabayarang mga benepisyo.

Sa bilateral meeting nina Pangulong BBM at Saudi crown prince Mohammed bin Salman sa Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Bangkok, Thailand noong November 2022, nangako    ang huli na maglalaan ng 2-billion-riyal o katumbas ng 532 million US dollars bilang kabayaran sa mga nawalan ng hanapbuhay na manggagawa at napilitang bumalik sa bansa.

                                                                               -ooOoo-

 NAG-AANYAYA ang Municipality of Lingayen ng lalawigan ng Pangasinan na makisaya sa pagbabalik ng “Bagoong Festival” ngayong buong buwan ng March 2023.

Katatampukan ito ng street dancing and float parade, libreng bagoong factory tour, magkakaroon din ng “Taway-Taway Cooking Exhibition” at Lingayen cooking competition na magpapakita ng iba’t ibang pamamaraan ng gamit ng bagoong sa pagluluto at hindi lamang sa pinakbet at dinengdeng.