DMW nagbabala sa fixer ng wage claims ng Saudi OFWs

DMW nagbabala sa fixer ng wage claims ng Saudi OFWs

November 21, 2022 @ 4:02 PM 6 days ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko na umiwas sa mga fixer at iba pang indibidwal na nag-aalok na tutulong o magiging middleman sa pagproseso ng kompensayon at sahod ng mga Pinoy na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia.

Nilinaw ni DMW Secretary Susan Ople nitong Lunes, Nobyembre 21 na hindi pa naisasapinal ang requirements at iba pang detalye sa paglalabas ng mga claims.

Ngayong araw pa lamang din magsisimula ang initial consultation sa pagitan ng Pilipinas at Saudi Arabia.

Ang babala na ito ng ahensya ay matapos na makatanggap sila ng mga ulat na may mga claimants na umano ang naghahanda ng mga requirements matapos lapitan ng mga indibidwal na nagpapanggap na middleman.

Dahil dito ay hinikayat ni DMW Undersecretary Hans Cacdac na isumbong sa ahensya ang mga indibidwal na lalapit at nagsasabing tutulong sila sa pagproseso sa wage claims.

“Meron tayong anti-fixer rules sa ating pamahalaan so we will report them to the proper authorities in violation of these already set rules on anti-fixing,” ani Cacdac.

Kung mapag-aalaman din na ang mga ito ay empleyado rin ng DMW ay tiyak na matatanggal ang mga ito sa serbisyo.

Siniguro naman ng ahensya na makikipagtulungan sila sa Saudi Arabia upang mapabilis ang pagproseso sa pagbibigay ng kompensasyon ng mahigit 12,000 overseas Filipino workers na nawalan ng trabaho sa nasabing bansa sa kasagsagan ng krisis at mga nagsarang kompanya. RNT/JGC