DND spox: Pagpapalakas sa reserve force posibleng talakayin ni Marcos sa unang SONA

DND spox: Pagpapalakas sa reserve force posibleng talakayin ni Marcos sa unang SONA

July 22, 2022 @ 6:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Posibleng ang pagpapalakas sa military reserve force ng bansa ang isa sa mga inisyatiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tatalakayin sa una niyang State of the Nation Address (SONA), ayon sa defense official nitong Biyernes.

“Ayon kay [OIC] Sec. [Jose] Faustino, nabanggit na ni Pangulong Marcos sa kanya na ang isang gusto niyang palakasin ay ang reserve force development natin. Maaaring ‘yan ang madinig natin sa Lunes,” ani Department of National Defense (DND) spokesperson Arsenio Andolong sa isang government briefing.

Kabilang sa ten-point agenda ni Faustino para sa departamento, na kanyang inilahad nitong linggo, ang pagpapalakas sa Reserve Force upang magsilbi itong force multipliers sa pagtugon sa mga hamon sa seguridad.

Idinagdag pa ng DND na bibigyan nito ng “appropriate recommendations” upang gawing bahagi ng kurikulum ang Reserve Officers Training Corps (ROTC).

Batay sa pakikipag-usap ni Faustino sa chief executive, sinabi ni Andolong na inihayag din ni Marcos ang suporta sa Armed Forces of the Philippines modernization program.

Sinabi pa ni Andolong na umaasa ang ahensya na maririnig ang mga direktiba ng Pangulo ukol sa territorial defense sa kanyang SONA.

“Dito kasi nagdedepende ang aming polisiya din, sa kanyang foreign policy, ano ang kanyang sasabihin,” dagdag ni Andolong.

Aarangkada ang inaugural SONA ni Marcos sa Lunes sa Batasang Pambansa. RNT/SA