Dockage at anchorage fee ng mga lokal na barko, libre na

Dockage at anchorage fee ng mga lokal na barko, libre na

December 1, 2020 @ 6:14 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Inihayag ni Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago na simula sa araw na ito, hindi na sisingilan ng dockage at anchorage fee ang anomang lokal na barko, pampasahero man o pangkargo.

Paliwawanag si Santiago, tulong na rin umano ito sa mga kompanyang maritima o mga may-ari ng barko na naghirap din dahil sa pananalasa ng COVID-19.

Matatandaang tumigil ang lahat ng biyahe ng mga barko sa kasagsagan ng pandemya, lalo na ang mga pampasahero, at ngayon lang sila bumabawi sa pagkalugi.

Subalit kinakailangan umanong magpa-accredit sa PPA ang mga kompanya o may-ari ng mga barko na nais makinabang sa benepisyong ito at tanging sa mga pantalan lang na pag-aari o kontrolado ng PPA makukuha ang mga benepisyong nabanggit.

Kabilang din sa mga rekisitos ang pagkakaroon ng balidong Certificate of Public Convenience (CPC), Provisional Authority (PA), o Special Permit (SP) na inisyu ng Maritime Industry Authority (MARINA).

May pipirmahang application form ang mga aplikante at hindi kinakailangang dala nila agad ang mga nasabing dokumento dahil pupwede naman umanong isumite ang mga ito pagkatapos.

Paiiralin umano ang “first come, first served” na patakaran at mayroon umanong P250 milyong pondo bilang subsidyo ng pamahalaan sa dapat sana’y masingil ng PPA na mga dockage at anchorage fee.

Kaugnay nito, mayroon din umanong hiwalay na pondong nagkakahalaga ng P270M para sa COVID-19 test ng mga seaman na dumaarating sa bansa na maaaring dumaong sa mga pantalan o sa mga paliparan. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...